Sunday, July 16, 2023

DAYAAN SA HALALAN (4)

 DAYAAN SA HALALAN (4)

 MAY ilang magandang tanong mula sa netizen: Kung nagkaroon ng dayaan noong halalan ng 2022, bakit hindi nagreklamo ang oposisyon? Bakit walang tinig ng pagtutol mula kay Leni Robredo, Kiko Pangilinan, mga kandidato para senador at ibang kandidato sa lokal na posisyon na pawang mga nangatalo? Bakit hindi sila nagsampa ng reklamo o protesta sa Comelec?

Bakit malamig pa sa ilong ng pusa ang oposisyon? Bakit walang kilos protesta sa lansangan, husgado, at anumang larangan? Bakit walang nakikitang init, galit, alab, o nagpupuyos na damdamin sa oposisyon? Bakit sa isang retiradong heneral nanggaling ang tinig ng alinlangan tungkol sa resulta ng halalan?

Ang kakulangan ng sapat na datos ang lumalabas na pinakamalinaw na sagot at paliwanag sa mga tanong. Hindi malaman kung sinadya o nagkulang ang mga private watchdog, o tagabantay sa halalan – at kasama ang oposisyon diyan – sa sagradong tungkulin na panatilihin ang bawat eleksyon na malaya, malinis, at tunay na salamin ng kagustuhan ng bayan.

Kamakailan lang nagkaroon ng kabatiran (insight) na may posibilidad na may dayaan. Walang nangahas tumayo sa usapin kundi si Hen. Eliseo Rio, dating kalihim ng DICT at itinuturing na isang dalubhasa sa telekomunikasyon. Hindi kasapi ng alinmang grupo si Rio, hindi pulitiko, at lalong hindi oposisyon, ngunit napansin niya ang anomalya sa datos ng mismong Comelec, ang sangay ng gobyerno na ang pangunahing tungkulin ay mamahala sa bawat halalan at lutasin ang mga sigalot sa pagitan ng mga iba’ibang grupo at kandidato.

Ngayong taon, lumantad si Rio matapos napansin niya ang kakaibang dami ng boto na binilang sa unang oras ng bilangan. Imposible umano na nabilang ang mahigit na 20 milyon boto sa unang oras. Hindi kakayanin ng pasilidad ng Smartmatic, ang pribadong kompanya na nangasiwa sa nakalipas na halalan. Naniniwala si Rio na nagsabwatan ang Smartmatic at Comelec upang dayain ang nakalipas na halalan.

Hindi automated elections ang nangyari noong nakaraang taon. Automatic elections kung saan automatic winner sina BBM at Sara sa pangulo at pangalawang panglo at nanguna ni Robin sa senador – ito ang nangyari.

***        

HINDI nakita kahit si Leni Robredo o sinuman sa oposisyon ang pinapaniwalaang pandaraya o manipulasyon sa bilangan ng boto noong nakaraang halalan. Maingat ang bagsak ng salita ni Leni sa isang pahayag pitong buwan pagkalipas ng halalan. “Hindi kami nakakita ng katibayan na may dayaan noong nakaraang halalan,” ani Leni sa isang pahayag sa New York City na sinasabing nalathala sa mga pahayagan doon. Walang nakitang diretsong ebidensya na may dayaan, aniya.

Sinusugan ni Emil Maranon, isang abogado na nagtrabaho sa kampo ni Leni noong halalan, ang pahayag ni Leni. Sinabi niya na kahit sinabi ni Leni na walang hawak na ebidensya ng dayaan sa nakalipas sa halalan, hindi ito nangangahulugan na walang dayaan.

Magaling na community worker si Leni Robredo. Hinahangaan dito at sa buong mundo. Nakita ang kanang mga nagawa bilang isang commnity worker sa kanyang NGO, ang Angat Buhay. Marami itong proyekto na pinakikinabangan ng maraming mamamayan. Kahit wala na sa poder si Leni, Nandiyan pa siya at tumutulong. Katangi-tangi ang kanang mga nagawa.

Ngunit hindi political strategist si Leni. Maikli ang kanyang unawa sa pangangailangan ng estratehiya sa pulitika. Hindi niya ganap na naiintindihan ang pangangailangan ng estratehiya sa pulitika lalo na sa halalan kung saan mapipigil ang dayaan.

Minsan sinabi ng namayapang Ernesto Maceda na ang magaling na pulitiko ay ang marunong at magaling mandaya at iyong bihasang pumigil sa dayaan sa mga halalan. Sila ang mga nagdodomina sa pulitika. Sila ang ying at yang ng pulitika sa Filipinas.

Walang political strategist ang Liberal Party na nakasilip sa dayaan. Hindi natulungan si Leni at Kiko upang magkaroon ng alas na baraha na isasalya sa natapos na bilangan. Nakalulungkot ang nangyari dahil sa pagtatapos ng bilangan, umalis si Leni kasama ang mga anak at nag-selfie lang sa ibang bansa.

Mistulang naulila ang mga tagasunod dahil walang tumayong lider ang oposisyon upang magsalita o magprotesta kahit katiting sa resulta ng halalan.

Mabuti at may lumantad na Heneral Eliseo Rio na lumabas upang magsalita sa pinaniniwalaan niyang dayaan o manipulasyon sa bilangan ng nakalipas na halalan. Hindi siya pinapansin dahil hindi siya orador na magaling sa diskurso sa publiko.

Ngunit mayroon siyang isipan na pinanday ng agham at teknolohiya upang ipaliwanag ang mga datos na nakalap niya sa Comelec. Dahil sa kanyang mga batikos, napilitan ang Comelec na maglabas ng mga itinagong datos na hindi hiningi ng mga lapian pulitikal and pribadong watchog. Nagsilbing lubid na nagbigti sa sarili ang mga datos na inilabas ng Coemelc dahil napansin ng matalim na isip ni Rio ang mga kakatwang anomalya sa datos.        

Marami pang lalabas na katanungan.

No comments:

Post a Comment