Monday, January 16, 2023

ANG FILIPINAS SA HARAP NG NAGWAWALANG DRAGON: PANGKASAYSAYANG KONTEKSTO NG IMPERYONG UMAALMA MULA SA KAHIHIYAN

Ni Philip M. Lustre Jr.

(Isinulat ko ito bilang bahagi ng isang aklat tungkol sa relasyon ng Tsina at Filipinas)

Introduksyon

Pamamahayag ang aking disiplina. Sa mahigit apat na dekada, isa akong mamamahayag. Isa akong guro sa pamamahayag at sa siyam na taon, ibinahagi ko ang aking nalalaman at natutuhan sa propesyong ito sa mga mag-aaral na nais maging mamamahayag sa kanilang propesyon. Ipinagkakapuri ko na may mga mag-aaral ako na pumalaot sa pamamahayag at bahagi ngayon ng Fourth Estate.

Bagaman ibang landas an aking binaybay, hindi nawala ang aking hilig sa diwa ng iskolarismo. Nagbabasa ako ng iba’t-ibang aklat sa kasaysayan, hindi upang maging historyador kundi upang malaman at maunawaan ang laman at takbo ng kasaysayan. Nagbabasa ako ng aklat sa agham panlipunan (pulitika, sikolohiya, sosyolihia, atbp), hindi upang maging alagad ng mga disiplina ng agham panlipunan, kundi upang maunawaan ang ating lipunan.

Ito ang giya noong iminungkahi sa akin ni Dr. Zeus Salazar, isang kaibigan at kapalagayang loob, na magsulat ang inyong lingkod ng isang tanging akda tungkol sa Tsina, ang nagbabagong imperyo na sa isang daantaon bago ang makabagong panahon ay dumanas ng matinding kahihiyan sa mata ng daigdig.

Gayunpaman, kapatid ng disiplina ng pamamahayag ang disiplina ng kasaysayan, kabuhayan (ekonomiya), pulitika, at agham panlipunan. Madalas sabihin na matagumpay ang isang mamamahayag kung nalalaman at naiintindihan niya ang mga disiplina sa agham panlipunan. Mas madali niyang maipauunawa sa kanyang mambabasa at tagapakinig kung naiinditin niya ang mga disiplina na nabanggit.

Hindi ako nag-atubili na tanggapin ang mungkahi ni Dr. Salazar, isang batikang historyador. Kagyat kong sinunggaban ang suhestiyon dahil ito ang paraan upang maipabatid kung ano ang Tsina sa modernong panahon.       

 Pambungad

 Sa pagbangon ng Tsina sa modernong panahon, hindi maalis ang paniniwala na may ambisyon ang Tsina na maghari sa mundo. Ito ang dahilan upang baguhin ng Estados Unidos ang kanyang patakarang panlabas, o  foreign policy. Sa pag-upo ni Joe Biden bilang pangulo noong ika-20 ng Enero, 2021, tuluyang tumamlay ang tingin ng Estados Unidos sa Tsina. Diretsong sinabi ng Washington na hindi kakampi kundi katunggali, o kakompetisyon,  ang Tsina. Marapat na pigilan ang pagiging makapangyarihan ng Tsina. Hindi dapat maghari ang Tsina sa iba’t-ibang larangan, ito ang pananaw ng Estados Unidos. Wala itong karanasan sa pag-ugit ng poder sa pandaigdigang pamayanan (international community), aniya. [1]

Bukod diyan, hindi pumapayag ang Estados Unidos na maghari ang nag-iisang lapiang pulitikal ng Tsina sa mundo. Hindi sigurado ang world community kung ano, paano, at saan dadalhin ang maraming bansa kung maghahari ang China at Chinese Communist Party (CCP). Hindi malinaw ang hangarin ng Tsina at CCP. Walang makapagsabi sa intensyon ng Tsina at CCP bagaman sinasabi na hangad nila ang pandaigdigang kapayapaan at kaunlaran kahit alam ng lahat  na nais nila malupig ang pandaigdigang kapitalismo at ipalit ang kanilang uri ng kapitalismo na nakabase sa ideolohiyang Marxismo. Sa maikli, kinakatawan ng Tsina ang diwa ng awtoryanismo, o pagdodomina ng isang lapian, o grupo ng tao sa liderato ng isang bansa. Magkaiba ang halagain (values) ng Tsina at mga malayang bansa; magkatunggali sila. Wala sa Tsina ang halagain ng pluralismo, o iba’t-ibang pananaw, paggalang sa karapatang pantao at diwa ng demokrasya. Isang malaking banta at hamon ang Tsina sa katatagan ng malayang mundo.

Sa paglaki ng Tsina, may mga umusbong na suliranin ang world community. Una, inaangkin ng Tsina ang halos kabuuan ng South China Sea sa ilalim ng pinagtatawanan na teoryang Nine-Dash Line. Hindi tinanggap ng world community ang teoryang ito dahil nakaamba ang peligro sa malayang paglalayag sa karagatan. [2] Bagkus, sasakalin ng Tsina ang pandaigdigang kalakalan dahil apektado ang malayang paglalayag sa South China Sea. Halos $6 trilyon ($6,000 bilyon) ang halaga ng kalakal ang dumadaan kada taon sa South China Sea. Pangalawa, madalas na cyberattack sa mga cyberspace network ng mga malalayang bansa kasama ang Estados Unidos. May paniwala na ang Tsina ang may kagagawan ng pag-atake at pinahintulutan ng pamunuan ng Tsina, partikular ang CCP, ang mga atake sa cyberspace network ng mga malalayang bansa. [3] Batay ang akusasyon sa mga datos na nakalap sa cyberspace. Pinipilay ng Tsina ang malayang palitan ng impormasyon na mahalaga sa pamumuhay, kalakalan, edukasyon, tanggulan at seguridad, libangan at aliwan, at ibang aspeto sa mga malalayang bansa.

Maisasama bilang pangatlo ang hindi pagkilala ng Tsina sa mga tratado at batas tungkol sa Intellectual Property Rights at ang kanilang kawalang paggalang at pagnanakaw sa mga imbensyon at tatak (brand name) ng mga malalayang bansa. Katibayan ang malawakang panghuhuwad ng mga produkto mula sa Kanluran at pagtapon ng mga mumurahing produktong peke sa iba’t-ibang pamilihan sa mundo. [4] Pang-apat ang kawalang galang ng Tsina sa mga tratado at batas tungkol sa pagbabago ng klima, o climate change. Naglalayag mag-isa ang Tsina sa usapin ng climate change at hindi alintana ang mga panawagan ng mga malalayang bansa na bawasan ang ibinubugang usok na lason sa kaligiran (environment). Halos doble ng Estados Unidos ang katumbas ng ibinubugang usok ng Tsina galing mga pagawaan at mga nagpapakilos sa kanyang pambansang kabuhayan. Sa tantiya ng mga eksperto, hindi magtatagumpay ang mga inilatag na programa sa climate change hanggang hindi binabawasan ng Tsina ang mga ibinubugang usok. [5]

Panglima, ang mga mapagmalabis na kondisyones na inaatas ng Tsina sa mga pautang na ibinibigay sa mga mahihirap na bansa sa iba’t-ibang panig ng mundo. Hindi naaayon sa kostumbre ng pandaigdigang pananalapi ang mga kundisyones na ipinatong ng Tsina sa mga pautang sa mga bansa na hilahod sa hirap upang matugunan ang pangangailangan ng kanilang mamamayan. Maituturing na pang-anim ang kawalan paggalang ng Tsina sa mga batas at tratado kontra korapsyon. May mga pagtingin o perception sa pandaigdigang pamayanan – at may batayan ito – na pilit na inilalatag ang patibong ng korapsyon sa mga lider ng mga mahihinang bansa upang mapangalagaan ang pambansang interes. . Hindi lumalaban ng patas ang China at madalas ang short-cutting sa mga sistema na pumipigil sa korapsyon. [6]  

Kinakatawan ng Tsina ang pinakamalaking hamon sa pandaigdigang kapayapaan, katatagan, at kasaganaan. Itinuturing kaaway ang Tsina dahil iba ang kanyang sistemang politikal kung saan iisang partido ang naghahari, at hindi bahagi ng kanilang kulturang politikal ang sistemang pangkatarungan na batay sa pangingibaw ng batas (rule of law). Wala ang Tsina ng lipunang sibil (civil society) na isang kaugalian sa mas maraming bansa sa buong mundo. Dahil iba ang Tsina, hindi komportable ang international community na namamayagpag ang Tsina. Matindi ang kaba ng world community sa Tsina dahil hindi ito subok at walang batayan upang bigyan ng tiwala. May matwid ang maraming bansa na sansalain ang Tsina upang mapangalagaan ang katahimikan, katatagan, at kaunlaran ng international community.

Layunin ng akdang ito na ipaliwanag at linawin ang kasalukuyang sitwasyon lalo ang pagbangon ng Tsina at relasyon nito sa mga bansa. Layunin ng akdang ito na ipaliwanag ang kahihitnan sa hinaharap ng paglakas ng Tsina at hindi pangkaraniwan na pagbangon mula sa kahirapan at pagkalugmok sa nakalipas. Tinatalunton ng akdang ito ang landas ng pag-unlad ng Tsina at linawin ang relasyon nito sa mga bansa at kung maaasahan ang world community sa pangingibabaw ng Chinese Communist Party sa lipunang Tsino.

Kasaysayan ng Tsina

Mayabong ang kasaysayan at kultura ng Tsina. Kinikilala ang Tsina bilang isa sa mga naunang kabihasnan sa mundo. Humigit-kumulang tatlong libong taon ang nakalipas nang unang sumibol ang kabihasnang Tsino. Dahil nasa tabi ng mga ilog Yangtze at Yellow, isa ang Tsina sa apat na naunang kabihasnan na pawang umunlad sa tabing baybayin  ng mga malalaking ilog. Kasama ang kabihasnan ng Ehipto sa tabi ng Ilog Nile; Sumeria at Mesopotamia sa tabi ng Ilog Tigris-Euphrates; at India sa tabi ng Ilog Indus.

Mula sa mga hati-hati at magkakahiwalay at nagdidigmaang mga estado, umimbulog ang imperyong Tsino sa nakalipas na dalawang libong taon upang maging isang estadong politikal. Pinamumunuan ang imperyong Tsino ng mga iba’t-ibang dinastiya o pamilya ng pulitika. Kung ihahambing sa iba’t-ibang bansa, isang matandang kabihasnan ang Tsina. Kasamang umimbulog ang kulturang Tsino na may sariling panitik, sistemang politikal, tradisyon, at kaugalian.

Sa pag-imbulog ng sibilisasyong Tsino, naging palasak ang paggamit ng salitang “Han” bilang panukoy sa mamamayan at kulturang Tsino. Ginagamit ang salitang Han upang ihiwalay ang tao at kultura na nasa labas ng teritoryo ng Tsina. Iba ang Han sa Mongol ng bulubunduking Mongolia, Uighur ng Xinjiang, Tibetanyo ng Tibet, Koreano ng Korea, at Manchu ng Manchuria. Maituturing na mga Han ang tinatawag na Tsino.

Ang dinastiya ng Qing ang huling dinastiya sa Tsina. Pinangungunahan ito ng mga Manchu na lumupig sa dinastiyang Ming. Namuno ang dinastiyang Qing mula 1644, nawala ng tatlong taon muila 1908 hanggang 1911 at natapos noong 1912 nang nagbigay daan sa itinatag na Republika ng Tsina na isinulong ng puwersang Nasyonalista sa pamumuno ni Dr. Sun Yat yen. Bagaman maraming pagbabago ang dinastiyang Qing, ito ang dinastiya na nagbigay daan sa pagpasok ng mga bansang kanluranin sa Tsina at kamkamin ang ilang piling teritoryo sa Tsina

Hindi matatag ang unang republika ng Tsina. Maraming kahinaan na dahilan ng matinding suliraning panloob. Maliban sa mga dayuhang puwersa na pumasok at kumuha ng piling teritoryo sa Tsina, nagtunggali ang dalawang pangunahing puwersang politikal sa Tsina – ang puwersang Nasyonalista sa pamumuno ng Lapiang Guomindang ni Generalisimo Chiang Kai-shek at puwersang Komunista sa pamumuno ng CCP at Mao Zedong. Bagaman nagsama ng lakas noong sakupin ng Japon ang Tsina sa panahon ng Pangalawang Digmaang Pandaigdig, naghiwalay muli ang dalawang puwersa at nauwi sa tunggalian ng isang madugong giyera sibil. Natapos ang lahat ng manalo ang mga Komunista at itatag noong 1949 ang bagong republika – People’s Republic of China (PRoC) - sa ilalim ng pamumuno ng Chinese Communist Party. Tumalilis ang puwersang Guomindang at itinatag ang Republic of China on Taiwan sa isla ng Formosa na ngayon ay Taiwan. Hindi natapos ang gulo sa pagtatayo ng magkahiwalay na gobyerno. Ngayon, nais ng Republic of China on Taiwan na kunin muli ang mainland China at muling maghari. Nais ng PRoC na kunin ang Taiwan at gapiin ang Republic of China on Taiwan dahil sa kanilang pakiwari ay lalawigan ng Tsina ang Taiwan. Ito ang basehan ng kanilang relasyon hanggang ngayon kahit malayang nagkakalakalan ang dalawang estado.

‘Siglo ng Kahihiyan’

Tinawag na “Siglo ng Kahihiyan”ang daantaon mula 1839 hanggang 1949. Kinakatawan ng siglong ito ang madilim na yugto sa kasaysayan ng Tsina.  Nawalan ng giya at kontrol ang Tsina sa sariling tadhana at kapalaran. Naghari ang mga dayuhan – Britanya, Francia, Alemania, Rusya  at Japon – na pawang nagtagumpay na kunin at okupahan ang ilang piling bahagi ng Tsina. Nawala sa Tsina ang sariling kapangyarihan na ipatupad ang sariling batas. Kahit sa mga teritoryong nasakop ng mga dayuhan, hindi naipatupad ng mga batas ng Tsina.

Humina ang dinastiyang Qing sa pag-ugit ng pamahalaan. Halos sabay-sabay na dumating at naranasan ang mga rebelyon ng mga puwersang politikal sa iba’t-ibang panig ng Tsina. Nakaranas ng matinding korapsyon sa pamahalaang Tsino. Pandemya, malawakang taggutom, kalamidad, patayan at krimen, at adiksyon sa droga, o opyo – ito ang mga suliranin ng Tsina sa malaking bahagi ng siglo. Sa panahon ng dinastiyang Qing, tinawag ang Tsina bilang “sick man of Asia” at ito ang kauna-unahang gamit ng parirala sa bansa. Bumagsak ang dinastiyang Qing at ipinanganak noong 1912 ang unang Republika ng Tsina. Hindi nawala ang matinding kolonyalismo kung saan nagpatuloy ang abuso sa poder ang mga dayuhan. Naranasan ng Tsina ang malawakang patayan nang sakupin ng mga militaristang Japones ang Tsina.

Sa ilalim ng siglo ng kahihiyan, nagkahati-hati ang Tsina. Natalo ang Tsina sa sa mga digmaan laban sa mga dayuhang puwersa. Ibinigay ng Tsina ang mga bayad pinsala, o reparations, sa mga nanalong dayuhang bansa, at binuksan ang mga siyudad pantalan para sa kalakalan. Ibinigay ang ilang teritoryo bilang konsesyon sa ilalim ng mga tratado sa mga katunggaling dayuhang bansa: Outer Manchuria, ilang bahagi ng Timog-Kanluran Tsina, at islang Sakhalin sa Rusya, Jiaozhou Bay sa Alemania, Hong Kong sa Britanya, Macau sa Portugal, Zhanjiang sa Francia, at Taiwan at Dalian sa Japon. Dekada 1930 ng pumasok ang Japon sa Tsina at naganap ang madugong tunggalian kung saan pinatay ng mga sundalong Japones ang libo-libong Tsino na karamihan ay mga sibilyan. Unang naranasan ng Tsina sa modernong panahon ang krimen sa digmaan (war crimes) at crimes against humanity, o krimen sa mga sibilyan.

Sa pagkapariwara ng lipunang Tsino sa siglo ng kahihiyan, maraming Tsino ang lumikas at nangibang-bayan. Malaking bilang nga mga Tsinong nasa katimugan ng Tsina ang pumunta sa mga karatig bansa tulad ng Filipinas, Indonesia, Singapore at Malaya (ngayon ay Malaysia). Nang dumaong ang mga Tsino sa Filipinas, pinutol nila ang kanilang buhok-baboy (“pigtail”), sumapi sa relihiyong Catolico Romano, nag-asawa ng mga Filipino, nag-aral at nagsalita ng wika ng kanilang pinuntahan (kasama ang Tagalog) at sumailalim ng integrasyon sa lipunang Filipino upang maging tawagin na “Tsinoy,” o Tsinong Pinoy. Tagumpay ang integrasyon ng mga Tsino sa lipunang Filipino. Hindi kapareho sa Indonesia at Malaysia, dalawang bansang Muslim, kung saan nanatiling hiwalay ang mga may dugong Tsino sa kabuuan ng kani-kanilang lipunan. [7]

Malalim na sugat ang iniwan ng siglo ng kahihiyan sa Tsina. Hindi natatahimik ang lipunang Tsino sa pagkawala ng kanilang dangal. Labis na ikinahiya ng Tsina ang sarili at bansa. Isa dahlan ito kung bakit matindi ang damdaming mahiyain (inferiority complex) ng mga Tsino. Para sa maraming Tsino, kinakatawan ng taong 1949 hindi ang pagsilang ng bagong Tsina kundi ang wakas ng siglo ng kahihiyan. Tumatak sa kolektibong kaisipan nga mga Tsino na hindi dapat mauulit na busabos ang Tsina. Wala ng pangalawang siglo ng kahihiyan sa Tsina, anila. Hindi papayag ang Tsina na suwagin muli ng mga dayuhang bansa sa kanilang sariling bansa at mawala ang sariling dangal bilang isang malayang bansa sa mata ng daigdig. Ito ang kaisipan ng Tsina sa modernong panahon. [8]

Modernong kasaysayan

Nang manalo ang puwersang Komunista sa giyera sibil noong 1949, isinara ng Tsina ang sarili sa mundo at ipinanganak ang People’s Republic of China, o PRoC. Lumikas ang gobyernong Guomindang ni Hen. Chiang Kai-shek sa Taiwan at itinatag ang Republic of China on Taiwan doon.[9] Pinalakas ng PRoC ang sarili, sinipa ang mga dayuhan, ikinulong ang mga Guomindang, at nagkampanya para sa maramihang muling edukasyon, o “reeducation campaign,” sa mga itinuring na kaaway na uri, o “class enemies.” Naglunsad ng mga programang panakahan kung saan kinamkam ang lupa ng malalaking may-ari at isinailalim sa pag-aari ng estado, mga programa sa kabuhayan at industrialisasyon kasama ang kontrobersyal na “Great Leap Forward” na ipinatupad mula 1958 hanggang 1962.  Pinatibay ang panloob na politika ng Tsina kahit na milyon ang naghirap dahil sa matinding tunggalian ng programang “Cultural Revolution” na nag-umpisa ng 1966 at tumagal ng sampung taon.

Sa Taiwan, pinalakas ng gobyernong Guomindang ang sarili; naglunsad na matagumpay na repormang agraryo kung saan binili ng gobyerno ang mga pribadong sakahan upang ipamigay sa mga magsasaka. Kinalaunan, basehan ng matagumpay na industrialisasyon sa Taiwan ang mga dating may-ari ng lupaing panakahan na kumita sa repormang pang-agraryo. Sila ang alagad ng industrilisasyon ng Taiwan dahil ginamit nila ang benta sa agraryong reporma upang maging kapitan ng industriya. Dekada 1980 ng itinuring “tigre” ng industrilisasyon Taiwan. Dekada 1990, itinuring industrialisado ang Taiwan. Pangalawa ito sa may pinakamalaking international reserves sa buong mundo. Nanatili na maunlad na bansa ang Taiwan kahit hiwalay sa Tsina.

Hindi natapos ang tunggalian ng People’s Republic of China at Republic of China on Taiwan sa paglikas ng gobyernong Guomindang sa Taiwan. Kahit sa Taiwan na ang mga Guomindang, may mga panahon na kinikilala sila na kinatawan ng Tsina sa international community. Nagbago ito nang bumisita noong 1972 sa Beijing si Richard Nixon, pangulo ng Estados Unidos, kay Mao Zedong, chairman ng Chinese Communist Party at pinakamakapangyarihang nilalang sa Tsina. Umpisa ito ng normalisasyon ng relasyon ng dalawang bansa.[10] Nagbigay daan ito upang kilalanin kalaunan ng Estados Unidos ang People’s Repubic of China bilang gobyerno ng Tsina, itinatwa ang Republic of China on Taiwan, kinilala ang “one-China policy bilang batayan ng relasyong bilateral ng dalawang bansa kung saan tanging ang PRoC ang kumakatawan sa Tsina. Nagtayo ang dalawang bansa ng relasyong diplomatiko at nagpalitan ng sugo. Sumunod ang international community sa ehemplo ng Estados Unidos at Tsina. Pamantayan sa international relations ang prinsipyong “one-China” policy. Tanging People’s Republic of China ang kinatawan sa Tsina at hindi ang Republic of China on Taiwan. Iginigiit ng PRoC ang one-China policy sa mga bansa na nakikipagrelasyon sa Tsina. Ito ang prinsipyo na sinundan sa United Nations at iba pang pandaigdigang organisasyon at samahan.

Tuluyang nagbago ang Tsina ng mamatay si Mao Zedong noong ika-9 ng Septiembre, 1976. Hinuli at ikinulong ang “Gang of Four,” ang radikal na paksyon sa CCP na mas binibigyan diin ang ideolohiya imbes ang ekonomiya. Humalili si Hua Guofeng at pagkatapos ng tatlong taon, pumalit si Deng Xiaoping kay Hua upang maging lider ng mas malaking paksyon na naglunsad ng programa na yumanig sa Tsina. Binuksan ng Tsina ang sarili sa mundo, nakipagkalakalan sa ibang bansa, at nagbukas ng diplomatikong relasyon sa mga bansa tulad ng Estados Unidos at iba pa. Naging kasapi na ng United Nations at pinalitan ang Taiwan bilang kinatawan ng Tsina. Inilunsad sa pamumuno ni Deng Xiaoping ang programang Four Modernization sa apat na larangan - ekonomiya, industriya,  tanggulan (defense) at agham at teknolohiya.

Nilutas ng liderato ni Deng ang usapin ng ideolohiya at nagkaisa ang mga paksyon sa CCP na bigyang diin ng Tsina ang pagpapatibay ng sariling ekonomiya at kaunlaran. Isikinatuparan ang mithiin na mapabilis ang integrasyon ng Tsina sa pandaigdigang kalakalan. Kasama sa mga hangarin ang kagustuhan ng Tsina mapigil ang impluwensiya at pagsakop ng Unyon Sobyet sa ilang bahagi ng bansa. Hangad ng Tsina, sa pagtatapos ng siglo, ay maging isang makabago at industrialisadong bansa na may oryentasyon ng pagiging sosyalista na may katangian bilang Tsino. Sa pagbukas ng ika-21 siglo, isang malakas at maunlad na bansa ang Tsina.

Gayunpaman, nanatili ang Chinese Communist Party bilang pangunahing lapiang politikal na may matinding impluwensiya sa Tsina. Hindi pinayagan ng liderato ng Tsina ang anumang lapian politikal maliban sa CCP. Hindi basta pinahihintulutan maski ang mga relihiyon at organisasyong pandaigdigan sa Tsina. Walang puwang ang civil society sa lipunang Tsino. Sa maikli, monopolyo ng Chinese Communist Party ang kapangyarihan sa Tsina mula 1949 hanggang sa kasalukuyan. Walang ibang lapian na humamon sa kanilang poder. May himig pasaring ang ilang tagamasid sa lipunang Tsino. Hindi diktadura ng uring manggagawa ang nangyari sa Tsina. Diktadura ng CCP ang tema ng pulitika sa Tsina. [11]

Ang Tsina sa bagong siglo

Tuloy-tuloy ang kakaiba at mabilis na paglaki at pag-unlad ng Tsina sa pagpasok ng ika-21 siglo. Hindi na “sick man of the Asia” ang tatak ng Tsina tulad noong panahon ng dinastiya ng Qing. Ibang Tsina ang tumambad sa mundo – maunlad dahil may mataas ng Gross Domestic Product (GDP) taon-taon, hindi nagdarahop, maunlad ang agham at teknolohiya at pinalakas ang tanggulan dahil may mga bagong armas pandigma. Ibang-iba ang Tsina sa bagong panahon dahil isang malakas at makapangyarihang bansa ito sa Silangang Asya.

Hindi agad-agad umunlad ng Tsina. Dumaan sa mga programa na mistulang roller coaster dahil nagdulot ng ibayong kasawian. Bahagyang umusad ang Tsina sa 1950. Humina ang Tsina dahil sa malawak na taggutom ng ipinatupad ang Great Leap Forward ng 1958-1962  at Cultural Revolution noong 1966. Nang namatay si Mao Zedong at namuno ang paksyon ni Deng Xiao-ping, umiba ang timpla ng ekonomiyang Tsino. Bilang sumipa ang paglaki dahil sa pagbukas ng Tsina sa mundo at mga polisiyang nagreporma sa kabuhayan.

Sa ilalim ng pamumuno ni Deng Xiaoping noong dekada 1980, binuksan ang Tsina sa mga dayuhang mamumuhanan, at pinag-ibayo ang kalakalan sa ibang bansa. Binawasan ang sentralisadong pagplaplano sa ekonomiya at pag-aari ng estado sa negosyo. Pinaigting ang pananakahan upang umunlad ang produksyon sa pagkain, binuksan ang mga special economic zones kasama ang Zhenzhen at Xiamen, at isinapribado ang mga kumpanyang Tsino na dating pag-aari ng estado. May kakaibang paraan si Deng sa pag-unlad ng Tsina. Tinawag na “Deng Xiaoping Thought,” o kaisipan na ang Tsina ay “socialism with Chinese characteristics.” Kahit namatay si Deng noong 1997, tuloy ang nakakahilong pag-unlad ng Tsina dahil sa panawagan mula sa ibang lider na kilalanin ang kapangyarihan ng estado upang mapigil ang walang direksyon na paglago. Bahagi ng Saligang Batas ng Tsina ang Deng Xiaoping Thought.

Sa tatlong dekada ng mga reporma (mula 1980-2010), walang katulad ang paglaki at paglago ng ekonomiya ng Tsina. Hindi nakita sa kahit anong bansa ang nakakabiglang paglago. Ngayon, kinikilala ang Tsina na isang malaking haligi sa pandaigdigang kabuhayan. Hindi kumpleto ang talakayan sa world economy ng hindi binabanggit ang kontribusyon ng Tsina. Gayunpaman, iisa ang panawagan sa paglaki ng Tsina. Kahit sa Chinese Communist Party, umiral ang paniniwala sa mga iba’-ibang paksyon na hindi maari ang walang kontrol na paglaki. Sa maikli, kailangan kontrolado ang paglaki. Walang ibang kokontrol sa paglaki ng Tsina kundi ang Chinese Communist Party.

Tsina sa ilalim ni Xi

Mainam na sana ang takbo ng Tsina sa ilalim ng pamamahala ng paksyon ni Deng Xiaoping a CCP. Tuloy-tuloy ang integrasyon ng China sa pandaigdigang kabuhayan. Isang malaking manlalaro ang Tsina sa pandaigdigang kabuhayan. Ngunit sa lipunang Tsino, iisa ang bida – ang Partido Komunista. Hindi hinahayagan makaporma ang alinman at sinuman.

Bagaman tuloy-tuloy ang mga programang naunang nailatag ni Deng Xiaoping sa ilalim ng mga sumunod na lider na sina Jiang Zemin at Zhu Rongji noong dekada 1990, hindi masyadong tumuloy ito sa ilalim ni Hu Jintao, ang lider sa dekada 2000 dahil binawasan ang komitment sa reporma sa kabuhayan. Nag-umpisa ang pagsakal ng CCP sa usaping pangkabuhayan at ito ang inabutan ni Xi Jinping nang siya ang maging lider noong 2012.

Ipinapakita ni Xi na ang Chinese Communist Party ang nangungunang lapian. Pinatingkad ni Xi ang diwa ng kaisipang Leninisno ang CCP ang “vanguard party, o pangunahing lapian sa usapin ng pag-unlad ng Tsina. Tulad na mga naunang lider ng Tsina mula kay Mao Zedong, Deng Xiaoping, at iba pa, hindi bahagi ng anumang programa o komitment na ibahagi ang liderato ng Tsina sa kahit kaninong lapian o nilalang maliban sa Chinese Communist Party. Makikita ito sa kulturang politikal mula 1949.  Hindi pinayagan o tinanggap ng Tsina ang anuman relihiyon, o organisasyon na kabilang sa lipunang sibil, o civil society. [12]

Pinakamakapangyarihan ang Chinese Communist Party sa Tsina. Tanging ang CCP ang nagdidikta kung saan tutungo ang Tsina. May sariling political dynamics ang partido at sinusunod ng bawat kasapi ang galaw ng lapian.

 Ang CCP

Dahil ang Chinese Communist Party (CCP) ang tanging lapian politikal na hayagang nabubuhay at nagpapatakbo ng Tsina, ito ang pinakamalaki at pinakamakapangyarihan sa buong bansa. Wala itong katunggali. Umaabot sa 95 milyon ang kasapi ng CCP sa buong Tsina. Kumplikadong lapian at halos walang puwang sa liderato ng Tsina ang mga lider na hindi kasapi ng CCP. Walang itong kompetisyon mula sa anumang lapian dahil hindi ito pinahihintulatan sa Tsina.

Eksaktong isang siglo na ang edad ng CCP dahil itinatag ito noong 1921. Hindi nagkasundo ang mga historyador sa eksaktong petsa. May mga historyador na iginigiit na itinayo ang CCP noong ika-1 ng Hulyo 1921, ngunit hindi ito tinatanggap dahil noong ika-23  ng Hulyo nagkaroon ng pambansang kongreso kung saan nagtipon-tipon ang mga unang kasapi sa French Concession sa Shanghai. Nagkasundo ang kongreso sa Shanghai sa pagtatatag ng isang lapian na komunista at inihalal ng mga unang kasapi si Chen Duixi, isang intelektuwal, bilang unang general secretary, o kalihim pangkalahatan.

Sa loob ng limang taon, lumago ang partido. Umabot sa sampu-sampung libo ang kasapi sa iba’t-ibang panig ng Tsina. Hitik ang kasaysayan ng CCP sapagkat may mga pagkakataon na nakipagtunggali ito sa lapiang Guomindang na itinatag ni Sun Yat sen. Kinuha ni Chiang kai-shek ang liderato ng namatay si Sun noong 1925. May pagkakataon na nag-alyansa sila at magkasamang nakihamok sa puwersang Japones noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig. Naghamok ang mga puwersa ng CCP at Guomintang sa isang madugong giyera sibil. Nanalo ang mga komunista noong 1949 at itinaboy ang mga Guomintang sa Formosa. Sa maikli, isang siglo ang CCP sa kasaysayan.

Pinakamalaking hamon sa Chinese Communist Party ang sama-samang pagbagsak ng mga gobyerno at mga nagharing lapiang komunista sa Unyon Sobyet, Yugoslavia, at iba pang bansa sa Silangang Europa noong 1989. Dahil natunaw ang mga lapiang komunista sa kasaping bansa ng Unyon Sobyet, Yugoslavia at mga bansa sa Silangang Europa tulad ng Silangang Alemania at iba pa, naging malaking tanong kung dapat nabuhay ang natirang lapiang komunista sa mundo kasama na ang nasa Tsina. Sa maikli, kung bigo ang kilusang sosyalismo sa maraming bansa sa Europa, ano ang silbi ng isang lapiang komunista sa Tsina? [13]

Masusing pinag-aralan ng CCP ang karanasan ng mga lapiang komunista sa Europa. Hinarap ang suliranin ng sariling partido at kagyat na isinagawa ang mga repormang panloob upang manatiling matibay ang CCP sa mga epekto ng nangyari sa Europa. Iniwasan ng CCP ang dogmatikong ideolohiya at iniayon ang sarili sa globalisasyon ng mundo. Iniwasan ang nakipagtunggali sa mga bansa kaalyado ng Estados Unidos.

Bagaman nagbadya ng malaking pagbabago ang liderato ni Xi Jinping noong siya ang maupo bilang secretary general ng CCP at maging “paramount leader” ng Tsina, hindi agad napansin ng mga karatig bansa. Lumitaw ito noong 2013 nang okupahan ng Tsina ang Scarborough Reef na nasa exclusive economic zone (EEZ)  ng Filipinas at angkinin at ituring na pag-aari ng Tsina ang maliit na isla na binubuo ng mga bato. Nakipagmatigasan ang gobyerno ni Benigno Aquino III sa inasal ng Tsina at nagkaroon ng stand-off doon kung saan nagharap ang mga sasakyang pandagat ng dalawang bansa. Tensyon ang bumalot sa Filipinas dahil makapangyarihang bansa ang Tsina at walang itatagal ang Filipinas kung magkaputukan at mauwi sa digmaan ang stand-off sa Scarborough Reef.

Bahagyang nalutas ang suliranin ng atasan ni Aquino si Antonio Trillanes IV, isang dating sundalo na kasapi noon sa Senado, na kausapin ang mga Tsino upang mabawasan ang tensyon. Nakialam na Estados Unidos at pinakiusapan ang magkabilang panig na lisanin ang pinag-aawayang isla. Sa madali, umalis pareho ang mga sasakyang pandagat ng Tsina at Filipinas. Humupa ang tensyon ng magkaroong “backchannel negotiations” si Trillanes sa mga Tsino. Ngunit bumalik ang mga Tsino isang buwan pagkatapos umalis. Dito nasalamin ang malaking pagbabago ng liderato ng Tsina sa ilalim ni Xi. Ito ang makapangyarihang bansa na nawalan ng matwid na makipag-usap sa mga maliit na bansa. Nag-iba ang tsina at wala sa bokularyo ang negosasyon, o ang paggamit ng tinatawag na “soft power” sa mundo ng diplomasya. Naging mapanuwag na ang Tsina sa kanyang relasyon sa mga karatig bansa. [14]

Sa isang pulong balitaan noong kasagsagan ng krisis sa Scarborough Reef noong 2013, binanggit ni Chito Sta. Romana, isang akademiko at masugid na tagamasid sa Tsina, na naagaw ng paksyon ni Xi Jinping ang liderato ng CCP. Paksyon ito ng mga militarista sa loob ng partido, ani Sta. Romana, na ngayon ay sugo ng Filipinas sa Beijing. Dahil sa pagbangon ng Tsina sa kahirapan upang maging isang makapangyarihang bansa, ibang klase ang lakas ng loob ng paksyon na iyon dahil may natuklasa sila na agresibong pananaw sa pag-ugit ng poder. Ito ang paksyon na igigiit ang kanilang paniniwala at hindi matatakot kahit na makialam ang Estados Unidos, ani Sto. Romana. Hindi binanggit ni Sta. Romana kung ano ang mga paksyon sa CCP ang sumusuporta kay Xi , bagaman may mga dayuhang tagamasid na nagsabing dalawang paksyon sa CCP ang patuloy na sumusuporta kay Xi Jinping – ang tinatawag na “Shanghai Gang” o mga kasaping na nakabase sa siyudad ng Shanghai kung saan ipinanganak ang CCP noong 1921 at ang malaking bahagi ng Chinese Communist Youth League (CCYL), o ang organisasyon sa loob mismo ng CCP na pawang mga kabataan ang kasapi. Malaki ang impluwensiya ng dalawang paksyon sa loob ng CCP, anila, kaya hindi matatawaran ang kanilang kakayahan upang dalhin ang CCP sa kakaibang direksyon. [15]

Sa pagkontrol ng CCP sa Tsina, inilabas ng kampo ni Xi bilang gabay ang “Xi Jinping Thought,” o mga kaisipan ni Xi Jinping at isinama noong 2017 bilang bahagi ng Saligang Batas ng Tsina. Itinuturing pagpapalawig ito ng mga kaisipan ni Deng Xiaoping na naunang inilantad noong mga 1980. Ipinagdiinan ni Xi na naisip nila ang ideolohiya sa kanyang panahon bilang sagot sa pagbagsak ng Unyon Sobyet kahit patuloy ang kanilang pagkilos upang patatagin ang konsepto ng “sosyalismo na may katangiang Tsina” na naunang inilabas ni Deng Xiaoping. May 14 na puntos ang ideolohiyang Xi Jinping Thought at kasama ang pangingibaw ng Chinese Communist Party sa lahat ng gawain sa Tsina, ang pagpapatuloy ng mga malalim na reporma, liderato ng CCP sa People’s Liberation Army (PLA), pagpapatuloy ng polisya ng “isang bansa, dalawang sistema” sa Hong Kong at Macau, at pagbawi sa Taiwan. Isa patotoo sa diktadura ng Chinese Communist Party ang Xi Jiping Thought sa kabuuan ng Tsina. Kahit nag-iisang naghaharing lapian ang Chinese Communist Party sa Tsina, binubuo ito ng iba’t ibang grupo o paksyon sa loob. Hindi maihahambing ang CCP sa mga demokratikong bansa tulad ng Estados Unidos na may lapian na naghahalinhinan sa pamamalakad ng bansa – Democratic Party at Republican Party - at mga demokratikong bansa sa Europa na may sistemang multiparty, o maraming lapian na naglalaban-laban. Hindi kinikilala ng Chinese Communist Party ang pluralismo, o ang pagkakaroon ng iba’t ibang kaisipan.

Hamon sa CCP

Itinuturing si Xi Jinping na isang diktador mismo sa diktadura ng Chinese Communist Party sa Tsina, ayon sa mga tagamasid sa labas ng Tsina. Batayan ang mga agresibong paninindigan ng Tsina kontra sa kilusan ng pagtutol sa Hong Kong at ang pag-angkin sa South China Sea bilang pag-aari ng Tsina. Sa pananaw ng mga tagamasid, isinasantabi ni Xi ang nakaugaliang konsultasyon at konsensus ng mga paksyon sa CCP at gumawa siya ng sariling paksyon na susuporta sa kanyang mga programa at mga nais gawin, o agenda. Isa itong dahilan kung bakit inokupahan ng Tsina ang ilang isla sa South China Sea, gumawa ng mga artificial island na kanlungan ng bagong base militar doon, at suportahan si Rodrigo Duterte ng Filipinas na hayagan kumakampi sa Tsina.

Sa pagpapalakas ng kanyang sariling paksyon sa CCP na tinawag na Xi Gang, inilunsad ni Xi ang programa kontra korapsyon kung saan maraming kasapi ng dalawang paksyon – Shanghai Gang at CCYL – ang pawang nangawala sa mahahalagang puwesto sa Party Standing Committe, Politboro, at Central Committe at pinalitan ng mga kasapi na sinasabing matapat kay Xi Jinping. Sa maikli, tinotoo ni Xi ang kanyang programa na palakasin ang CCP sa pagkontrol sa kilos ng Tsina sa pandaigdigang tanghalan. [16]

Isa sa pinakamalaking hamon ang pagbagal ng paglago ng pambansang ekonomiya ng Tsina. Hindi nasanay ang bagong henerasyon ng Tsino sa mabagal na paglago kahit na sabihin na maraming bansa ang nakakaranas na matumal na paglago dahil sa pandemya at samu’t-saring dahilan sa buong mundo. Hindi maatim na tumabi ang CCP sa gitna ng mabagal ng pandemay sapagkat alam ng mga lider ng lapian na nakasalalay ang suporta ng sambayanang Tsino sa CCP sa malakas na ekonomiya. Sa sandaling makita ang kahinaan ng Tsina sa ekonomiya, apektado ang liderato ni Xi. Ngunit kapansin-pansin ang bagong patakarang panlabas ng administrasyong Jose Biden sa Tsina bilang isa sa mga dahilan maliban sa pandemya sa pagbagal ng paggalaw ng ekonomiya ng tsina.

Simula na maupo sa White House si Joe Biden, pinag-ibayo ng Estados Unidos ang pagsansala sa Tsina. Hindi na siya ang kakampi o kapanalig ng Estados Unidos ang Tsina sa maraming usapin sa pandaigdigang kalakalan. Bagkus, nagbago ng paninindigan ang Washington at itinuring kalaban sa hanapbuhay ang Tsina. Isa ito sa dahilan sa mga inilabas na blacklist ng Estados Unidos kung saan pinangalanan ang mga malalaking kumpanya na pawang pag-aari ng estado ng Tsina na pinagbawalan makipagkalakalan sa Estados Unidos. [17] Hindi inaasahan ang paglago ng Tsina dahil sa iba’t-ibang balakid sa malayang kalakalan sa dalawang bansa. May ipinasa ang Kongreso ng Estados Unidos, ang Innovation and Competition Act of 2021 na na layuning rendahan ang access ng Tsina sa technolohiya ng Estados Unidos.

Sa pulitika, nag-iba ang timpla ng Estados Unidos sa Tsina. Sinabi ng Pangulong Joe Biden na hindi na tulad ng dati ang relasyon ng dalawang bansa. Sinundan ito ng mga pahayag ni U.S. State Secretary Antony Blinken at U.S. Defense Secretary Lloyd Austin sa buong mundo tungkol sa pagbabalik ng Estados Unidos sa Asya, Issinama nila ang layuinin ng Estados Unidos na kontrahin ang paglago ng Tsina at panunuwag sa mga karatig bansa. Tinutulan ng Estados Unidos ang pamimilit at paggamit ng dahas sa mga karatig-bansa ng Tsina, anila. Nabuo na ang Quadrilateral Alliance, o ang pagsasama ng India, Australia, Japon, at Estados Unidos upang tumugon sa walang habas na panunuwag ng Tsina sa South China Sea. Hindi makakalimutan ang pagkakasundo noong ika-14 ng Hunyo ng tatlumpung kasaping bansa ng alyansang North Atlantic Treaty Organization (NATO) na sagutin ang hamon ng Tsina. Nagkasundo sila na dagdagan ang kanilang gastos sa pagharap na hamon ng Tsina. [18]

Nilinaw ng Estados Unidos at mga kaalyadong bansa ang kanilang pagkilala sa makasaysayang desisyon noong 2016 ng Permanent Arbitration Commission ng United Nations Convention on Law of the Sea (UNCLOS) na itinatatwa ang pag-angkin ng Tsina sa halos kabuuan ng South China Sea. Walang batayan sa batas at kasaysayan ang ipinagmamagaling ng teoryang Nine-Dash Line. Ginamit ng mga malayang bansa ang desisyon ng UNCLOS upang igiit ang prinsipyo na malayang paglalayag sa karagatan ng South China Sea. Walang magawa ang Tsina kundi magmatyag lang. Upang tuluyang mapilay ang Tsina sa kanilang ambisyon na palawakin ang impluwensiya sa mga karatig bansa at South China Sea, nagpadala ang Estados Unidos, Britanya, Francia, at iba pang kaalyadong bansa nga mga sasakyang pandigma sa mismong South China Sea. Malapit ang kanilang kinalalagyan sa kahinaan ng Tsina – ang bahaging tagiliran sa silangan, o mga baybaring dagat sa silangang bahagi kung saan nandoon ang mga industriya ng Tsina. Kung sisiklab ang digmaan o anumang kaguluhan sa pagitan ng Tsina at mga malayang bansa, madaling malulumpo ang babaybayin ng Tsina na kanlungan ng kanyang mga industriya. [19]

Pilit iginigiit ng Tsina ang kanyang agresibong agenda sa Asya sa pamamagitang ng pagpapalaot ng libo-libong sasakyang pandagat sa kalakhan ng South China Sea at bahagi ng West Philippine Sea. Sinasagot ito ang Estados Unidos sa pagpapaalaala sa mga kaalyadong bansa sa Asya na nanatili ang mga tratado at kasunduan upang harapin ang hamon ng Tsina sa bagong panahon. [20] Kahit si Rodrigo Duterte na naunang nagpahayag ng pagtalikod sa Estado Unidos sa kanyang pagbisita sa Beijing noong 2016 ay bumaligtad upang muling sumamba sa Estados Unidos noong bumisita U.S. Defense Secretary Lloyd Austin noong Hulyo. May mga pananaw na may panloob na dahilan ang pamomostura ng Tsina sa bagong panahon. Ayon sa ilang tagamasid, nais ni Xi Jinping na patunayan sa sambayanang Tsino na nanatiling kontrolado ng kanyang paksyon ang People Liberation Army (PLA), ang hukbong militar ng Chinese Communist Party.

Ang Tsina at digmaan

Bagaman may mga pangamba na sumiklab ang digmaan sangkot ang Tsina at Estados Unidos at mga kaalyansa, may mga pananaw na hindi kakayanin ng Tsina ang makipagdigmaan. Hindi nakabatay sa digmaan ang paglaki at pag-unlad ng Tsina. Wala siyang sapat na armas at kakayahan upang makipagdigmaan sa mga malayang bansa. Wala siyang karanasan sa digmaan maliban sa sandaling sumali sa digmaan sa Korea noong 1952 at ilang bakbakan sa border ng Vietnam at Rusya. Hindi sapat ang kanyang karanasan para magkaroon ng sapat na kaalaman sa digmaan. Wala naibalitang doktrina sa giyera ang Tsina.

Hindi maihahambing ang karanasan ng Estados Unidos na bilang “pulis” ng mundo ay sangkot sa halos lahat ng digmaan. Maraming doktrina sa digmaan ang Washington at alam ng Tsina na maaaring gamitin iyon laban sa kanila kung hindi sila titigil sa kanilang walang basehan na ambisyon ng isang paksyon sa Chinese Communist Party na manguna at maghari sa mundo. Hindi papasukin ng Tsina ang posibilidad ng digmaan kahit ito ang huling pagpipilian dahil nakapaligid sa kanya ang mga barkong pandigma ng mga malayang bansa. Alam ng mga malayang bansa ang kahinaan ng Tsina at alam ng Tsina na maaaring mawala sa kanya ang kanyang pinaghirapan sa nakalipas na apat o tatlong dekada ng paglago at paglaki.

Konklusyon

May kasabihan ang mga Filipino na pagkahaba-haba ng prusisyon, sa simbahan ang tuloy. Maihahambing sa sawikain na iyan ang sitwasyon ng Tsina. Wala siyang pagpipilian kundi makipagkasundo at ayusin ang kanyang relasyon sa mga malayang bansa sa pangunguna ng Estados Unidos. Marapat aminin ng Tsina sa sarili ng nagkaroon siya na miskalkulasyon sa kanyang agresibong pangigiit at panggipit sa mga karatig bansa sa Silangang Asya at iba pa sa buong mundo. Dapat malaman at maunawaan ni Xi Jinping na nagkamali siya sa kanyang pagtantiya sa Estados Unidos at kaalyadong bansa. Dapat maintindihan ni Xi na hindi siya uupuan ng mga malayang bansa. Haharapin siya ng mga malayang bansa at ang Tsina kahit sa anong larangan.

Pinakahuli, dapat yumukod si Xi Jinping at magbigay daan sa panibagong liderato na uugit sa Tsina. Hindi magtatagumpay ang kanyang pag-angal sa Estados Unidos at mga kaalyadong malayang bansa sapagkat wala na siyang pagsusuungan at pupuntahan.


MGA tala sa huli (Endnotes)

1.       Tahasang sinabi ni Joe Biden sa kanyang mga pahayag na kalaban ng Estados Unidos ang tsina. Sinundan ang kanyang pahayag ni Antony Blinken at Lloyd Austin sa kanilang pagharap sa Senado sa bispera ng inagurasyon ni Jose Biden. Si Blinken ang kasalukuyang State Secretary, si Austin, Defense Secretary.

 2.      Para sa mas deyalyadong paliwanag tungkol sa usapin sa West Philippine Sea, iminumunkahi na basahin ang aklat ni Marites Danguilan Vitug, “Rock Solid: How the Philippines Won Its Maritime Case against China.” Inilimbag ito ng Ateneo University Press noong 2019. Ipinaliwanag ng may-akda ang sakdal na iniharap ng Filipinas laban sa Tsina noong 2014 sa Permanent Arbitration Commission ng UNCLOS. Nanalo ang Filipinas at itinapon ang pag-angkin ng Tsina sa halos kabuuan ng South China Sea sa ilalim ng teoryang Nine-Dash Line ng Tsina. Wala batayan ang teorya sa batas at kasaysayan, ayon sa Commission.  

3.      Hindi lamang ang Estados Unidos ang nagreklamo ng mga cyer-attacks sa kanilanetwork. Nag-akusa sa Tsina maski ang European Union at North Atlantic Traty Organization (NATO) na nasa likod ng mga atake. Inakusahan rin ng Australia, News Zeland, at Japan ang Tsina ng mga cyber-attack. Basahin ang ulat ng Reuters News Agency noong ika-19 ng Hulyo, 2021.  https://www.reuters.com/technology/us-allies-accuse-china-global-cyber-hacking-campaign-2021-07-19/

 4.      Isa sa pinakamalaking suliranin ng mga bansang malalaya sa Kanluran ang hayagang paggawa ng mga consumer goods na may pekeng pangalan. Hindi ito alam ng mga totoong may-ari ng brand. Madalas, marurupok at mahina klase ang kalidad ng mga consumer goods. Kadalasan, gawa ang mga ito sa Tsina at hayagang ibinabagsak sa iba’t ibang pamilihan sa mundo. Malaki ang nawawalang kita at benta ng mga totoong may-ari sa pamimirata ng mga Tsino. Pakibasa: https://jingdaily.com/chinese-consumers-buy-counterfeit-luxury/

 5.      Isang kaapat (1/4) ng lahat ng carbon emission sa mundo ay galing sa Tsina. Tumataas ang lason na ibinubuga ng Tsina ng 15% kada taon. Kahit may napagkasunduan tratado ang mga malayang bansa upang mabawasan ang carbon emission, hindi mareresolba ang suliranin kung hindi babawasan ng Tsina ang kanyang emission. Ito ang problema sapagkat mabagal ang tugon ng Tsina sa suliranin. Pakibasa: https://www.bbc.com/news/world-asia-57018837

 6.      Hindi napigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga haka-haka na tinulungan siya ng Tsina upang mahalal na pangulo ng bansa noong 2016. Pilit niya itong itinatanggi kasi masidhi ang suspeta na tinulunbgan siya. Pakibasa: https://cnnphilippines.com/news/2021/7/26/Duterte-denies-receiving-help-China-2016-elections.html

 7.      Malayang tinalakay ng Kaisa, isang organisyon ng mga Tsinong Pinoy, sa kanilang inilimbag na babashain ang integrasyon ng mga Tsino sa lipunan ng Filipinas. Bashain ang kanilang inilabas na timeline:  https://tulay.ph/2017/09/05/timeline-kaisas-30-year-legacy-of-bridge-building/

8.      Para sa mas detalyadong paliwanag, basahin: https://thediplomat.com/2020/08/chinas-never-again-mentality/

Basahin rin: https://www.theatlantic.com/china/archive/2013/10/how-humiliation-drove-modern-chinese-history/280878/

Ito pa: https://www.uscc.gov/sites/default/files/3.10.11Kaufman.pdf

 9.      Republic of China on Taiwan ang opisyal na pangalan ng gobyernong Guomindang sa Taiwan. Iba ang Republic of China na ang focus ay sa mainland China.

 10.  Dating may relasyon diplomatiko ang Tsina at Estados Unidos bago manalo ang mga Komunista noong 1949. Naputol at nawala noong ibaling ang pagkilala sa Republic of China on Taiwan.

 11.    Maski ang may malayang kaisipan na Tsino na bumabatikos sa sistema sa Tsina ay iisa ang reklamo: Walang totoong diktadura ang uring manggagawa sa Tsina. Diktadura ng Chinese Communist Party ang nangyayari. Ilusyon ang diktadura ng mga manggagawa na ipinagmamagaling ng mga Tsino.

 12.    Mainam na basahin ang isang artikulo mula sa Heritage Foundation, isang konserbatibong think tank sa Estados Unidos: https://www.heritage.org/asia/report/assessing-beijings-power-blueprint-the-us-response-china-over-the-next-decades

 13.   Basahin ang aklat na ito para sa mga detalye: Shambaugh, David, China's Communist Party: Atrophy and Adaptation. University of California Press, 2008

 14.  May mga detalye si Marites Vitug sa kanyang aklat, “Rock Solid: How the Philippines Won Its Maritime Case against China.” Inilimbag ito noong 2019 ng Ateneo de Manila University Press.

 15.   Isa si Chito Sta. Romana sa mga ilang lider aktibista na matagal na namalagi sa Tsina. Bago ideklara ni Pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar noon 1972, nagpunta sa China si Chito kasama ang ilang mga estudyante na mga lider ng kilusang aktibista. Hindi na sila bumalik sa Filipinas at namuhay sa Tsina ng lampas 30 taon. Kabisado ni Chito ang Tsina.

 16.     Mainam mabasa ang away sa loob ng CCP: https://www.orfonline.org/research/the-rise-of-the-xi-gang/

 17.   Umpisa 2018, nagsimulang maglabas ang Estados Unidos ng talaan ng mga kumpanyang Tsino na pinagbabawalan na makipagkalakalan sa mga kumpanyang Amerika. Makakapagpahina ng negosyo ang blacklist ng Estados Unidos Unidos mga kumpanyang Tsino. Pakibasa:  https://qz.com/2031254/the-us-blacklists-23-more-chinese-companies-over-uyghurs-rights/

 18.   Mga detalye pa sa ulat na ito: https://www.euractiv.com/section/defence-and-security/news/us-pressure-brings-about-rise-in-nato-defence-spending-despite-pandemic/

 19.   May detalyadong paliwanag sa sa aspetong ito sa artikulo ng Heritage Foundation: https://www.heritage.org/asia/report/assessing-beijings-power-blueprint-the-us-response-china-over-the-next-decades

 20.  Mismong si Antony Blinken at Lloyd Austin ang nagbigay kalinawan sa komitment ng Estados Unidos sa mga kaalyado. Pakibasa: https://www.usip.org/publications/2021/03/austin-blinken-affirm-us-commitment-asian-allies

 

Piniling Bibliographiya

Mark Tischler, China’s “Never Again” Mentality, The Diplomat, Aug. 18, 2020.

Akhiliesh Pillamari, Political Culture and the Chinese Communist Party, Modern Authoritarianism, The Diplomat, December 1, 2018.

Srijan Shukla, “The Rise of the Xi Gang: Factional politics in the Chinese Communist Party,” ORF Occasional Paper No. 300, February 2021, Observer Research Foundation.

Eleanor Albert, Lindsay Maizland, and Belina Xu, The Chinese Communist Party, Council of Foreign Relations, June 23, 2021

Dean Cheng, Walter Lohman, James Carafano and Riley Walters, Assessing Beijing’s Power: A Blueprint for the U.S. Response to China over the Next Decades. Heritage Foundation, February, 2021

Marites Danguilan Vitug, Rock Solid: How the Philippines Won Its Maritime Case against China, Ateneo de Manila University Press, 2019.

    

No comments:

Post a Comment