Ni Philip M. Lustre Jr.
PAUNANG SALITA: Lubhang kasuka-suka ang patuloy na pangangalandakan ni Bongbong Marcos at ilang tagasunod na pinakamahusay na naging pangulo ng bansa ang namayapang diktador na si Ferdinand Marcos..
Pinakamahusay? Kung pinakamahusay siya bilang pangulo, bakit pinatalsik ng sambayanang Filipino sa Himagsikang EDSA si Ferdinand Sr.?
Bakit tumalilis sa Malacanang ng kara-karaka at nagmistulang isang talunang aso na nakabahag ang buntot sa dalawang huling paa?
Kung pinakamahusay siyang pangulo, bakit isinuka ng kasaysayan si Marcos at nagmukhang isang ketongin na pinandirihan sa pandaigdigang pamayanan (international community)?
At bakit sila ang patuloy na iginigiit na pinakamahusay na pangulo si Marcos at hindi man lamang bigyang katugunan ang ginawang paghuhusga ng kasaysayan sa diktador?
Maraming kabataan ang hindi ganap na nakakaalam o nakakaunawa kung bakit isinumpa ng kasaysayan si Ferdinand Marcos Sr. Marami ang hindi nakaalam kung paano umugit ang huling araw nila sa Palasyo ng Malacanang.
Hayaan ninyong aking ilahad ang kuwento ng kanilang pagkatalo at biglang paglisan sa Malacanang.
Ang aking ilalahad ay hindi isang eksena sa pelikulang “Titanic” kung saan ang barko ay papalubog. Nagkataon lamang na pamilyar ang mga eksena kung saan nagmistulang mga dagang tumatalon sa lumulubog na barko ang mga ilang piling karakter.
Hangad ng lathalaing ito na maunawaan ng mga kabataan ang mga pangyayari sa huling araw ng diktador sa Malacanang. Bahagi ito ng mga alaala ng naganap na EDSA People Power Revolution noong 1986.
Kahit natapos na ang masaysayang himagsikan, patuloy akong nakakatanggap ng mga detalye at piling impormasyon tungkol sa apat na araw ng himagsikan ng taongbayan sa EDSA at ang pagtatapos nito.
Isa sa pinakamahalagang yugto ng kasaysayan ang huling araw ng pamilyang Marcos sa Malacañang. Nangyari ito noong ika-25 ng Pebrero, 1986. Sa araw na ito, nawalan ng pag-asa, sigla, at kapangyarihan si Ferdinand Marcos, ang diktador ng namuno sa Filipinas sa loob ng 20 taon.
Nalusaw ang base ng kaniyang kapangyarihan, lalo na ang militar. Lumipat sa kalabang rebeldeng puwersa ang maraming lider militar.
Kahit na palaging sumusuporta kay Marcos ang pangulo ng Estados Unidos, nagbago ng tono si Ronald Reagan sa payo ng U.S. State Department at U.S. Ambassador sa Filipinas na si Stephen Bosworth.
Nakakabalisa ang hindi ganap na pagbabanggit sa kuwento ng EDSA People Revolution ang apat na araw na himagsikan, lalo na ang pinakahuling araw. Hindi ito katulad ng mga huling araw ni Adolf Hitler na naging tema ng ilang pelikula.
Habang aking tinitipon, binabawi, at nagbabalik tanaw ang ilang mga alaala, talata, at panayam sa ilang tao na may kinalaman sa mga Marcos, aking natutuklasan ang mga bagong detalye na ngayon lamang lumutang sa publiko. Nagbibigay ito ng kasiyahan sa isang mamamahayag na katulad ko. Hindi nalalayo ang isang mamamahayag sa isang pantas, o iskolar.
Ito ang aking kuwento:)
HINDI NAKATULOG si Ferdinand Marcos sa makasaysayang gabi ng Pebrero 25, 1986. Nang tumunog ang orasan bilang hudyat ng pagsapit ng hatinggabi, naramdaman niyang paunti-unting nawawala ang kaniyang kapangyarihan bilang diktador.
Ito ay dahil patuloy na sumakabilang panig ang mga pulutong ng lider militar sa rebeldeng kampo nina Juan Ponce Enrile at Fidel Ramos, ang dalawang lider na nagsagawa ng hindi maisip na pagtalikod sa pamahalaan ni Marcos tatlong araw ang nakakalipas.
Nagtungo ang maraming opisyales ng militar sa Camp Crame upang sumumpa ng suporta sa kampo nina JPE-FVR. Ang ibang opisyales nama'y nanatili sa kani-kanilang kampo, areas of responsibility, at command posts.
Hindi kinakailangan na pumunta sila sa Camp Crame; nasa panig na sila ng mga rebelde.
Tahimik na nakipag-usap ang puwersang rebelde para sa maramihang paglipat ng lider militar na hindi pa kaanib sa rebeldeng hanay.
Sa kanilang pagsapi sa puwersang rebelde, tangi nilang ginawa ang hindi pagsunod sa mga iniutos ni Marcos at ang kaniyang kapanalig na tulad ni AFP chief of staff Gen. Fabian Ver at ilang opisyales na nananatiling tapat kay Marcos.
Nagmistulang isang hari na walang kaharian si Marcos.
Isang palaisipan kung gumagana pa ng maayos sa kasagsagan ng himagsikan ng EDSA ang kinasisindakang intelligence network na binuo ni Ver at kaniyang tapat na kapanalig sa panahon ng pamahalaang batas militar. Sa totoo lang, hindi na ito naging mabisa sa mga yugtong iyon.
Walang sapat na impormasyong nakalap na maaaring pagbasehan nina Marcos at Ver sa kanilang mga desisyon. Kumikilos sila ng maling mali.
Malungkot at mapanglaw ang dalawa ngunit hindi dahil sa kapaguran sa nakalipas na tatlong araw kundi dahil nararamdaman na nila ang parating na katapusan.
Inumpisahan ni Marcos ang araw na nakikipagtalo kay Ver at ang anak niyang si Ferdinand Jr., o Bongbong, na nakaunipormeng fatigue upang ipakita ang kaniyang kahandaan na lumusob sa digmaan. Pinagtatalunan nila ang napipintong paglusob sa puwersang rebelde na nagkukuta noon sa Camp Crame.
Ipinagtutulakan ni Ver at Bongbong kay Marcos ang pagbibigay ng kaniyang huling utos upang tuluyang mapasabog ng mga papaunting puwersahang loyalista ang Camp Crame, Hindi nila alintana ang mga daan-daang libong sibilyan na nagkakanlong sa mga rebelde doon.
Ngunit patuloy na tumatanggi sa kanilang bawat pagtatangka ang diktador na patuloy naman ang pagsama ng kaniyang kalusugan dahil sa matinding kapaguran.
Kahapon lamang, nagkaroon ng puwersang panghimpapawid ang mga rebelde nang sumapi sa kanila ang mga piloto na pinamumunuan ni Col. Antonio Sotelo.
Pinaputukan ng mga rebelde ang Malacañang upang bigyang babala si Marcos na mayroon na silang lakas panghimpapawid.
Ginugol ni Unang Ginang Imelda Marcos ang unang dalawa o tatlong oras ng ika-25 ng Pebrero na palabas-masok sa pribadong sambahan upang magdasal sa pag-aakalang mahihingi niya sa mga santo sa kalangitan ang pagpapaalis sa mga daan-daang libong tao na nagtipon sa EDSA at maging sa ibang lansangan sa paligid ng Camp Crame at Camp Aguinaldo.
Naririnig niya ang mainit na palitan ng mga katwiran sa pagitan ng kaniyang asawa, Ver, at Bongbong sa loob ng silid ng diktador, bagaman nararamdaman niyang pagod na siya upang humalo pa sa walang kabuluhang pag-uusap.
Tanging si Ver at Bongbong lamang ang may lakas na ituloy ang laban at bigyan ng utos ang mga tropang loyalista na pagwatak-watakin ang mga taong nagtipon sa kahabaan ng EDSA.
Ngunit walang nakinig sa kanilang order. Wala kahit isa sa mga natitirang heneral na tapat kay Marcos ang nakakaisip na magagawa niya ang kanilang ipinag-uutos.
Nang sumapit ang ikatlo ng madaling araw, tinawagan ni Marcos si U.S. Sen. Paul Laxalt, isang mambabatas na Republican na kasapi sa bipartisan group ng mga mambabatas na Amerikano na nagmasid sa nakalipas ng biglaang halalang pampanguluhan noong Pebrero 7, 1986.
Ipinahayag ni Laxalt ang mungkahing solusyon ni Reagan upang matapos ang krisis pulitikal. Ito ang pakikibahagi niya ng kapangyarihan (powersharing) kay Cory Aquino. Ngunit walang sigla si Marcos na tanggapin ang ganitong mungkahi.
Tahasang binigyan ni Marcos si Laxalt ng totohanang sitwasyon na natatalo ang puwersang loyalista sa nagaganap na krisis.
Tinapos ni Laxalt ang pakikipag-usap bagaman sinabi niya na babalikan ang diktador matapos niyang makipag-usap kay Reagan.
Tinapos ni Laxalt ang pakikipag-usap bagaman sinabi niya na babalikan ang diktador matapos niyang makipag-usap kay Reagan.
Ganap na ikalima ng umaga (Philippine time) ng bumalik si Laxalt sa telepono upang kausapin si Marcos na kara-karakang nagtanong kung nagbago ng isip ang itinuturing niyang kabigan na si Reagan hinggil sa pagtrato sa kaniyang pamahalaan.
Kinalap ng mga iskolar ang maikli ngunit masidhing palitan ng pangungusap na nagpapakita lamang ang nakakaawang kalagayan ng pabagsak na diktador.
"Hinihingi na ba ni Pangulong Reagan na ako’y bumaba na sa poder? (Is President Reagan asking me to step down?)" ang tanong ni Marcos kay Laxalt.
"Wala sa ganiyang posisyon si Pangulong Reagan upang humingi ng ganyang kahilingan (President Reagan is not in a position to make that kind of demand)," ang sagot ni Laxalt.
"Senador, anong tingin mo? Dapat na ba akong bumaba? (Senator, what do you think? Should I step down?)"
"Ginoong Pangulo, hindi ako natatali sa mga diplomatikong pagbabawal. Ako’y nagsasalita para sa ganang akin lamang. Sa tingin ko dapat ka ng umalis. At umalis ka ng mahinahon. Dumating na ang oras, (Mr. President, I’m not bound by diplomatic restraint. I am only talking for myself. I think you should cut. And cut cleanly. The time has come.)” ani Laxalt na nagsalita ng may kahalong tono ng kapangyarihan at pagkaawa.
Hindi nagsalita si Marcos ng halos dalawang minuto na ikinabahala naman ni Laxalt.
"Ginoong Panglulo nandiyan ka pa ba? (Mr. President, are you still there?)"
"Ako’y bigong-bigo (I am very, very disappointed)," ani Marcos.
Sa mga oras na iyon, ang pakiramdam ng napipintong pagkatalo ang nagbigay kaalaman sa kaniya na kinakailangan na niyang umalis ng Malacañang sa isang hindi maayos na paglisan.
Hinarap ni Marcos ang mga natitiras oras sa Palasyo na kalakip ang hatol sa palad ng kaniyang naghihingalong kamay. Ito ay isang totohanan at hindi mababaligtad na pagkatalo, bagaman gumawa ng ilang hakbang si Marcos para makakuha ng ilang pampalubag-loob.
Ngunit tapos na ang lahat. Kahit ano pa ang kaniyang gawin upang magkaroon ng ilang pampalubag-loob ay magpapatagal lamang sa kaniyang paghihirap.
Nawalan rin ng pag-asa ang lumuluhang si Imelda.
Sa huling pagtatangka na maisalba ang sitwasyon, personal niyang tinawagan si U.S. First Lady Nancy Reagan upang itanong ang intensyon ng Estados Unidos sa Filipinas. Ngunit hindi makapagbigay ang huli ng anumang malinaw na komitment at nagsabi pang kakausapin niya ang kaniyang asawa.
Tinawagan rin ni Marcos si Labor Minister Blas Ople na nandoon sa Washington sa isang misyong diplomatiko na kumbinsihin ang mga opisyales ng Estados Unidos sa “tagumpay” ng nakalipas ng halalang pampanguluhan.
Ngunit nagbigay lamang ang huli ng isang hindi magandang ulat. Sa oras na iyon, nagsimulang mag-impake ang mga Marcos ng anumang mayroon sila at dapat dalhin sa paglisan nila sa Malacañang.
Sa mga oras na iyon, nagising na si Chief Justice Ramon Aquino at ang asawa na si Carolina Griño Aquino upang maghanda sa panunumpa ni Marcos sa Malacañang, kung saan doon rin sila natulog.
Dahil sa nakakabahalang sitwasyon, hiningi ni Marcos sa kaniyang mga tauhan sa hapon ng Pebrero 24 na sunduin si CJ Aquino at asawa mula sa kanilang tirahan sa Maynila.
Sapagkat kostumbre sa mga nakaraang inagurasyon ng mga nahalal na pangulo, ang punong hukom ng Korte Suprema ang nakatakdang magpasumpa sa bago o muling nahalal na pangulo.
Tanging si Marcos ang muling nahalal na pangulo sa ilalim ng Saligang Batas ng 1935.
Kinumbinsi ni Marcos si Aquino na magbigay ng panunumpa. Ngunit dahil sa magulong sitwasyon, kinakailangang matulog ni Aquno at asawa niya sa Palasyo upang makasiguro na nandoon sila sa araw ng panunumpa.
Maliban sa Unyon Sobyet na sa dakong huli ay naguho sa mahigit na isang dosenang hiwa-hiwalay ng republika, nagpahayag ang karamihan sa mga bansang pinamumunuan ng Pransiya at mahigit isang dosenang bansa sa Europa na hindi sila magpapadala ng sugo o kinatawan sa panunumpa ni Marcos sa Malacañang.
Sinabi nila na nabahiran ng pandaraya ang pagwawagi ni Marcos sa nakaraang halalan at inaming hindi nila dadaluhan ang nakatakdang panunumpa ni Marcos.
Nauna ng isang hakbang ang Pransiya nang ipahayag ng gobyerno nito ilang minuto matapos makapanumpa si Cory Aquno sa naturang araw rin na napagpasyahan na kilalanin ang pagiging lehitimo ng pamahalaan ni Cory Aquino.
Gayunpaman, nagpasya si Marcos na ituloy ang kaniyang sariling panunumpa. Sinabi ng kaniyang isipang nakalublob sa letra ng batas na kakailanganin niya ang panunumpa upang ganap na maangkin ang panguluhan. Ramdam niya na nahalaga iyon kahit na palabas lamang.
At sa pagsapit ng bukang liwayway, dali-daling nagmobilisa ang daan-daang loyalista ni Marcos mula sa mga dukhang komunidad ng Maynila, partikular ang Tundo, Paco, at Santa Ana — at Quezon City. Sumakay sila ng mga inarkilang dyip at pumunta sa Malacañang upang magsilbing saksi.
Sa ganap na alas-nuwebe ng umaga, napuno ang pook tipunan ng Malacañang ng mahigit tatlong libong loyalista ni Marcos na pawang nakasuot ng shorts, sando, tsinelas at mumurahing gomang sapatos.
Binigyan sila ng ng mga puting white T-shirts na may nakasulat na “Marcos pa rin” at malilit ng bandila na may kaparehong kalatas.
Naghihiyawan sila ng "Marcos pa rin" at "batas militar" na animo’y naging mantra ng bumabagsak na pamahalaan.
Sa panulukan naman ng Nagtahan Bridge at J.P. Laurel, nagtipon ang daan-daang makakaliwang aktibista na nagmukhang kagigising lamang mula sa kanilang mahimbing na pagkakatulog.
Napagtanto nila na hindi nila basta i-boykot ang tipanan ng mamamayang Filipino sa tadhana.
Napagtanto nila na hindi sila dapat manatiling isang kumpol ng mga nakakapesteng sampay bakod.
Nagtipon sila doon upang igiit ang kanilang sariling paraan upang patalsikin si Marcos sa Malacañang. Muntik na silang nagpang-abot ng mga loyalista ni Marcos.
Bago sumapit ang alas-onse ng umaga, nanumpa si Cory Aquino sa makasaysayang Club Filipino sa Greenhills, San Juan City upang magsilbing hudyat na pormal siyang magsisilbi bilang pangulo ng bansa.
Nang sumapit ang alas-onse ng umaga, pinayagang pumasok ang mahigit 500 loyalista ni Marcos sa loob mismo ng Malacañang ceremonial hall, habang ang iba nama’y nanatili sa labas, o pook tipunan.
Tsinelas at gomang sapatos ang suot ng ilan. Naninigarilyo naman ang iba sa tuwirang paglabag sa pagbabawal sa paninigarilyo.
Nakasuot si Imelda ng kaniyang sariling terno, habang nakasuot naman ng pormal na damit ang mga supling na Imee at Irene at ang kani-kanilang asawa.
Hindi kagyat na nakita si Bongbong bagaman lumitaw na nakasuot ng unipormeng combat fatigue habang umawit si Marcos at Imelda sa harap ng mga loyalista sa balkonahe ng Malacañang ilang minuto matapos ang panunumpa.
Kasama sa mga loyalista ni Marcos na nagpuntahan sa Palasyo noong araw na iyon ang aking kamag-anak na kasapi sa Iglesia Ni Cristo na sinabihan ng kanilang lider na sumama sa paglusob sa Malacañang.
Nagmistulang isang ahente ang kanilang lider na nangako ng libreng pagkain at sasakyan at P300 "appearance fee" kada taong pupunta sa Palasyo. Ngunit dahil sa nakakakabahalang sitwasyon, nawala ang kanilang lider, ngunit muli itong lumitaw kinagabihan upang iibigay ang P150 sa bawat taong pumunta. Walang paliwanag sa kulang na P150.
Sinabi niya sa akin na umalis sila ng ala-una ng tanghali matapos makatanggap sila ng ulat tungkol sa napipintong paglusob ng mga rebelde sa Malacañang.
Pinangasiwaan ni Punong Mahistrado Ramon Aquino ang panunumpa ni Marcos.
Ngunit sa sandaling inilatag ni Marcos ang kanilang kaliwang kamay sa isang sipi ng Banal na Bibliya at itaas ang kanang kamay upang umpisahan ang panunumpa, isang sundalong sharpshooter ang umasinta sa transmitter ng tatlong TV networks at binaril ito ng walang mintis o pagsablay upang tapusin ang sabay-sabay na pagsasapahimpapawid ng tatlong TV networks.
Biglang nawala ang sabay-sabay ang pagsasahimpapawid ng panunumpa ni Marcos.
Ngunit ipinagpatuloy ni Marcos ang panunumpa na parang walang anumang nangyari.
Pagkatapos, nagsalita siya sa harap ng pulutong ng mga loyalista sa balkonahe upang bigyan ang taong bayan ng isang sulyap ng isang nakakalungkot na larawan ng diktador na pabagsak mula sa kapangyarihan.
Hindi nagpakita si Arturo Tolentino, ang bise presidenteng kandidato na kasama ni Marcos, Prime Minister Cesar Virata, at mahigit sa kalahati ng mga Gabinete niya, at halos lahat na kasapi sa diplomatic corps, o mga ambassador ng iba’t-ibang bansa.
Ipinakita ng hindi nila pagdalo sa Malacanang na nagmistulang isang barkong papalubog ang gobyerno ni Marcos.
Nagkaroon pa ng kapal ng apog o lakas ng loob ang ilang kasapi ng Batasang Pambansa na kabilang sa Kilusang Bagong Lipunan ni Marcos katulad ni Jose Zubiri ang dumalo sa panunumpa ni Cory Aquino sa Club Filipino upang magmistulang mga unang daga na tumalon mula sa lumulubog na barko.
Napagtanto ni Punong Mahistrado Ramon Aquino at asawang Carolina na patalo na nga si Marcos sa labanang pulitikal. Nakatanggap rin sila ng babala ng nakatakdang paglusob ng mga rebelde sa Malacanang. At kagyat silang tumalilis matapos ang panunumpa ni Marcos.
Nakita ng ilang saksi ang mag-asawa na naglalakad sa dako ng Singian Clinic sa kahabaan ng J.P. Laurel. Sinabi naman ng Ilang saksi na lumiko sila sa Arlegui at narating ang Legarda kung saan sumakay sila ng isang taksi papauwi sa kanilang tahanan. Hindi sila nananghalian sa Malacañang.
Biglaan ring lumisan si Information Minister Gregorio Cendaña matapos ang inagurasyon. Hindi rin siya kumain ng tanghalian.
Kahit ang mga kasapi ng Malacañang press corps, o pangkat ng mamamahayag na nakabase sa Palasyo, ay hindi rin kumain.
Naging tampulan ng masakit na biro ng mga mamamahayag ang pagkawala ni Cendana sa araw na iyon.
Pagkatapos ng panunumpa, ipinagpatuloy ng unang pamilya ang pag-iimpake ng kanilang mga gamit sa isang paglalakbay na nararamdaman nila sa mga panahong iyon.
Hindi nagkatotoo ang napipintong paglusob ng mga rebelde. Bagkus, naging abala si Marcos sa paghahanda para sa kanilang paglisan.
Kausap niya si Ambassador Bosworth upang humingi ng ilang helikopter na magdadala sa kanila sa isang destinasyon na hindi binabanggit.
Sa mga oras na iyon, tumakas na rin ang mga piloto ng pangulo sa Palasyo.
Nagsuot naman ng damit sibilyan ang ilang kasapi ng Presidential Security Command at nangawala ng hindi nagpapaalam.
Kahit si Ver ay nagpaalam na sa kaniyang mga opisyan bagaman hindi malinaw ang dahilan ng kaniyang pamamaalam.
Hindi malinaw kung ano ang plano sa unang oras ng gabi ng Pebrero 25.
Nais ni Marcos na umuwi sa kaniyang tahanan sa Paoay, Ilocos Norte. Ngunit matigas si Cory Aquino sa kaniyang pasya na dapat siyang pumunta at manatili bilang destierro (exile) sa Estados Unidos.
Naging isang matinding biro sa mga Filipino na hindi ganap na naunawaan ng pilotong Amerikano ang kahilingan ni Marcos na dalhin sila sa Paoay. Sa halip, dinala sila sa Hawaii.
Pagsapit ng alas-diyes ng gabi, ilang helikopter ang sinakyan ng mga pamilya ni Marcos at Ver sa Malacañang at dinala sila Clark Air Base in Pampanga. Mula doon, isang eroplano naman ng Estados Unidos ang nagdala sa kanila sa Hawaii.
Ginugol ni Marcos ang kaniyang huling araw bilang isang sakitin at pulitikong laos. Namatay siya sa Hawaii noong 1989.
Samantala, isang bagong pamahalaan ang nanungkulan at inumpisahan ang napakahirap at nakakatureteng paglalakbay upang ibalik ang demokrsasya sa bansa.
(Orihinal na inilimbag sa wikang Ingles sa CNN Philippines website noong June 17, 2015.)
No comments:
Post a Comment