Ni Ba Ipe
SPOILED brat si BBM. Lumaki na may kutsarang pilak sa bibig. Isang batang paslit si BBM nang nahalal ang ama na si Ferdinand noong 1965. Nang nagbinata, isang diktador ang ama na nagpahirap sa bansa. Walang pakialam si BBM sa mga ginawang pahirap sa bansa ng ama. Hindi niya alintana kung anuman ang sapitin na bansa sa kamay ng abusadong ama.
Dahil sa labis na kapangyarihan ng amang diktador, hindi naging isang responsableng tao si BBM. Hindi siya nagbayad ng buwis mula 1982 hanggang 1985. Ito ang mga panahon na pabagsak na ang diktadura ng kanyang ama. Hinabol siya ng sumunod na gobyerno at kinasuhan ng tax evasion. Napatunayan siyang nagkasala sa batas at inobliga na byaran ang back taxes kasama ang interes.
Ipinangalandakan kamakailan ng kanyang kampo na binayaran ni BBM ang buwis kasama ang interes. Ito ang tangi nilang ganting katwiran sa mga batikos at puna.
Pinilit niyang linisin ang kanyang pangalan. Sa kanyang apela sa Court of Tax Appeals (CTA), hindi pinagbigyan si BBM. Kabaligtaran ang nangyari. Kinumpirma ng CTA ang kasong tax evasion na unang ibinaba ng mababang hukuman. May presidential decree ang kanyang ama na dahilan ng diskuwalipikasyon ang hindi pagbabayad ng buwis ng mga kandidato sa anumang puwesto sa gobyerno.
Pinipilit ng kanyang kampo na walang ginawang krimen si BBM dahil binayaran niya umano ang buwis na naging dahilan upang kasuhan siya ng tax evasion. Ngunit hindi nila napigil ang mga petisyon na kanselahin ang kanyang inihain na certificate of candidacy (CoC) sa panguluhan sa Commission Elections. May nagpeyisyon na tuluyan ng diskuwalipikahin ng Comelec si BBM.
Kapag nangyari ang kanselasyon o diskuwalipikasyon, tuluyang hindi makakatakbo si BBM sa panguluhan. Buburahin ang kanyang pangalan sa balota. Hindi siya magiging pangulo ng bansa na may populasyon na 110 milyon.
Ipinangangalandakan ng kampo ni BBM na hindi crime on moral turpitude ang kasong tax evasion ni BBM. Imposibl sapagkat paano niya pamumunuan ang mahigit 110 milyon na Filipino kung hindi siya huwaran sa pagbabayad ng buwis?
Buwis ang buhay ng kahit anong bansa. Hindi mapapatakbo ng maayos ang bansa kung walang sapat na nakolektang buwis.
Hindi susunod ang mga tao sa pangulo kung ang pangulo ay iresponsable, lumalabag sa batas, at hindi nagbabayad ng buwis. Isa itong problema ni BBM dahi hindi niya naipaliwanag sa sambayanan ang pagiging iresponsable. Hindi marunong magsalita si BBM sa harap ng madla.
Mahihirapan si BBM na lusuta ang mga petisyon na inihain laban sa kanya sa Comelec. Mabigat ang paratang at hindi nasasagot ni BBM ng maayos ang mga bintang na hindi siya karapat-dapat na maging pangulo dahil iresponsable siya.
Maari siyang lumaban hanggang gusto niya ngunit hindi nangangahulugan na basta mawawala na lang ang bntang na hindi siya nagbabayad ng buwis. Minsan siyang nagkasala sa lipunan sa hindi pagbabyad ng buwis at pagtalikod sa bansa. #
No comments:
Post a Comment