Sunday, January 24, 2021

'MAKAPILI'

 Ni Ba Ipe

MGA HULING BUWAN ng pananakop ng nga Japones noong Pangalawang Digmaang Pandaigdig ng nagsulputan sa publiko ang mga kasapi ng Makabayang Kalipunan ng mga Pilipino. Tinawag sila na mga MAKAPILI.

Marami sa kanila ang mga dating kasapi ng Ganap Party, o mga Sakdalista ni Benigno Ramos, isang manunulat sa wikang Filipino. Auxiliary worker (katulong) sila ng Japanese Imperial Army kahit nakahingi sila ng karapatan na mabayaran tulad ng mga sundalong Japones (teka, marami sa kanila ang mga Koreano at Taiwanese na binigyan ng mga pangalang Japon).

Malalim ang mga alaala na iniwan ng mga kasapi ng Makapili. Sa mga pagkakataon na lumabas sila sa publiko, sila ang mga taong may suot na bayong sa ulo upang hindi makilala. Sila ang mga nagturo sa mga sundalong Japones ng mga gerilya at kriminal noong panahon ng Japon.

Hindi dumadaan sa proseso ng katarungan ang mga itinuro. Walang sakda; hindi sila dumadaan sa proseso ng hukuman noon. Kinukuha sila ng sundalong Japones sa kanilang tahanan upang ikulong at patayin. Maraming pagkakataon na pinapatay ang mga itinuro ng mga Makapili. 

Masidhi ang operasyon ng mga kasapi ng Makapili sa mga huling buwan ng 1944 at unang buwan ng 1945, ang panahon na nangyari ang tinawag na “Battle of Manila.” Base ng operasyon ng mga Makapili ang Maynila at kanugnog lugar tulad ng Makati at maging sa ilang bayan ng Laguna at Rizal kung saan malakas ang Sakdalista.

Lingid sa kaalaman ng mga Japones, maraming kasapi ng Makapili ang nakilala ng mga pamilya na kanilang itinuro. Sa pagwawakas ng digmaan, nagkaroon ng gantihan. Maraming Makapili ang pinatay ng mga taong hindi nakilala hanggang ngayon. Napilitan ang liderato ng mga Japon na dalhin ang mga Makapili nang umurong sila sa Cordillera sa pagwawakas ng digmaan nong 1945.

Marami sa Makapili ang hindi na lumutang. Pinaniniwalaan ng pinatay sila ng mga puwersang Japones na naging desperado sa pag-uro.  Iyong mga Makapili na hindi nakilala, nagbagong buhay at nakabalik sa daloy ng lipunan.

Ikinuwento ng aking ina ang isang konsehal sa Maynila na pinaniniwalaan niya na kasapi ng Makapili. Matagal siyang konsehal at umiwas sa mga kontrobersiya noong panahon niya sa pulitika. Pero ibang usapan na ito.

 Ngayon, ginagami ang salitang MAKAPILI sa mga taong pinaniniwalaan na naging traydor sa bayan.  Kasama na diyan ang mga taong makiling sa China. Hindi mawawala ang MAKAPILI sa ating talasalitaan (dictionary).