Wednesday, February 20, 2019

SINO ANG DAPAT IBOTO, HINDI IBOTO SA MAYO 13

Ni Philip M. Lustre Jr., aka Ba Ipe

KAILANGANG gamitin ang pagpapasya na nababatay sa masusing pag-aaral a hindi emosyon. Kaya sa Mayo 13, marapat piliin lamang ang karapat-dapat at may mga natatanging kuwalipasyon upang gampanan ang kanilang tungkulin bilang lingkod bayan. Iwasan natin na ihalal ang mga taong magbibigay pasakit lamang sa sambayan.
Narito ang aking munting ambag na nagsisilbing gabay kung sino-sino ang dapat ihalal at hindi ihalal sa Mayo 13.
Sa mga kandidato sa pagka-senador, sino ang HINDI dapat ihalal?
1. HUWAG ihahalal ang mga taong may reputasyon bilang mandarambong. Burahin sa listahan ang mga pangalan nina Imee Marcos, Jinggoy Estrada, Bong Revilla, at Juan Ponce Enrile.
2. HUWAG ihahalal ang mga reeleksiyonistang senador na may-akda ng TRAIN Law. Unang-una diyan si Sonny Angara, ang pangunahing may-akda ng mapang-aping batas na nagdulot ng malaking pahirap sa sambayan. Kasama rin sina Grace Poe, Cynthia Villar, Nancy Binay, JV Ejercito, at Koko Pimentel.
3. HUWAG ihahalal ang mga kandidatong EPAL, walang nalalaman at wala rin paghahanda, at hindi kuwalipikado na maging senador. Kasama na dito si Bong Go, Bato dela Rosa, Jiggy Manicad, Freddie Aguilar, at ibang kandidato na hindi na dapat banggitin ang pangalan sapagkat sisikat lang.
4. HUWAG iboboto ang mga kandidatong balimbing at walang prinsipyo. Sila rin ang mga kandidatong oportunista. Nangunguna diyan si Francis Tolentino. Huwag rin ihahalal ang mga walang nagawa sa bayan, mapagpanggap, ipokrito, at namamangka sa dalawang ilog. Nangunguna diyan si Grace Poe. Nadiyan rin sa listahan si Pia Cayetano na kahit minsan hindi nagsalita tungkol sa mga ginagawa ni Duterte sa kababaihan.
5. HUWAG ihahalal ang mga kandidatong taga-Mindanao., partikular ang mga kandidato ng administrasyon na katulad ni Bong Go at Bato de Rosa. Ipakita natin sa mag-amang Duterte na hindi naging mabuti sa sambayanang Filipino ang pamumuno ng mga taga-Mindanao na naging mapagmalabis sa poder, o lubhang abusado, at sobrang magugulo. Tutulan natin ang kultura ng karahasan na naging tatak ng mga lider mula Mindanao.
6. HUWAG rin iboboto ang mga taong pineke ang kanilang kuwalipikasyon. Pangunahin diyan si Imee Marcos na nagsabing graduate siya ng Princeton. Wala naman siyang maipakita kahit anong patunay o diploma mula Princeton. Niloloko lang niya ang sambayan.
Sa madaling salita, hindi dapat ihalal ng mga kandidato ng Hugpong ng Pagbabago na pinangungunahan ni Sara Duterte na nag-aambisyong humalili sa kanyang ama. Huwag rin ihahalal ang mga kandidatong inendoso ni Duterte. Wala kahit isa sa kanila ang magiging mabuting senador. Magiging tuta lamang sila ng gobyernong Duterte.
Hindi sila malalayo sa mga tutang senador na tulad ni Richard Gordon, Manny Pacquiao, Tito Sotto, Migs Zubiri, at iba pa. Madadagdagan lamang ang mga tuta sa Senado. Walang mapapala ang sambayan sa kanila.
SINO naman ang DAPAT na ihalal?
1. Ihalal ang mga kuwalipikado at may nagawa sa bayan. Repasuhin ang kuwalipikasyon ng walong kandidato ng OTSO Diretso: Romy Macalintal; Gary Alejano; Erin Tanada; Pilo Hilbay; Samira Gutoc; Mar Roxas; Bam Aquino; at Chel Diokno. Lahat sila ay kuwalipikadong maging senador. Bagaman taga-Mindanao si Samira Guoc, pinapatunayan niya na karapat-dapat siyang pagtiwalaan.
2. Sapagkat walo lamang sila, maari ring idagdag si Neri Colmenares ang kandidato ng Bayan Muna. Mahusay na tagapagtangkilik ng ilang simulain si Neri. Kuwalipikado siya. Maaari ring idagdag si Rizalito David, isang batikang political commentator. 

3. Tungkol sa party list group, huwag lumayo sa tatlong grupo: Samahang Magdalo, Akbayan, at Makabayan Bloc. Sila ang grupo na hindi naimpluwensiyahan ng malalaking political dynasty. Mag-ingat sa ibang party list group. Marami sa kanila ang walang silbi.
😳😳😳