Friday, December 2, 2016

ANG BATAS MILITAR NI MARCOS: MALAWAKANG KATIWALIAN, 'CRONY CAPITALISM', MALAWAKANG PAGLABAG SA KARAPATANG PANTAO

Ni Philip M. Lustre Jr. 
(Paunang salita: Isinulat ko ito noong 2011 para sa isang lathalain. Paminsan minsan, nais ko rin magsulat sa wikang Filipino bagaman mas komportable ako sa wikang Ingles. Para sa inyo aking mga mabunying kaibigan, lalo na ang mga kabataan na hindi naranasan at nasilayan ang lupit ng diktadura.)
DEMOKRASYA AT AWTORITARYANISMO – ito ang dalawang tema na umuugit sa karanasang Pilipinas. Mahigpit na magkatunggali ang dalawang kaisipang ito, ngunit kahit demokrasya ang umiiral na sistema sa ngayon, patuloy na humahamon ang pagbabalik ng awtoritaryanismo. Nariyan pa rin ang ilang kilusang lihim at di-lihim kung saan nangangahas ang iba’t ibang puwersang pulitikal na ibalik ang isang sistemang tanging ang diktador lamang ang namumuno.
Unang nabigyang katuparan ang pagkiling sa awtoritaryanismo nang ideklara ng noo’y pangulong Ferdinand Marcos ang batas militar sa buong bansa noong Septiyembre 21, 1972. Sinakmal ni Marcos ang lahat ng kapangyarihang pulitikal sa kadahilanang may sabwatan umano ang puwersang maka-kaliwa at oligarkiya upang ibagsak ang gobyerno ng Pilipinas at patalsikin siya.
Sa ilalim ng batas militar, ipinasara ni Marcos ang Kongreso at ang mass media (mga pahayagan, telebisyon at radio), inaresto at ikinulong ang kaniyang mga kalabang pulitiko at kritiko, ipinagbawal ang mga demonstrasyon at pulong pampubliko, at kinitil ang karapatang sibil. Ginamit ni Marcos ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas upang ganap na maisakapuran ang batas militar.
‘POLITICAL GENIE.’ Ayon sa namayapang dating senador Neptali Gonzales, ang ginawang paggamit at pagbibigay poder sa Armed Forces ang naging mitsa kung bakit lumakas ang loob sa ilang paksiyong militar na mag-ambisyon tuwi-tuwina na kunin sa mga puwersang sibilyan ang timon ng pamahalaan. Nilikha ni Marcos ang “political genie” sa katauhan ng ilang puwersang militar, ani Gonzales. Lumabas ito mula sa bote upang mamayagpag at maghari nang ideklara ni Marcos ang martial law, aniya.
Ito rin ang dahilan, ayon sa ilang tagamasid, kung bakit hindi ganap na malusog at matibay ang naibalik na demokrasya. Bagaman nagkaroon na ng apat na halalang pampanguluhan (1992, 1998, 2004, at 2010) mula nang mapatalsik noong 1986 si Marcos sa poder, nananatiling nakaamba ang pagtatangkang kunin ng kung sinong puwersa ang poder at ibalik ang bansa sa isang sistemang diktadura. Hindi lingid ang ilang pagtatangkang kunin ang pamahalaan sa ibat’t ibang kadahilanan na ang puno’t dulo ay iligtas ang bansa mula sa mga di umano’y mapagsamantala.
Sapagkat natikman ng puwersang militar ang kapangyarihang pulitikal - at nasarapan, tuluyan nang minimithi ng ilang puwersa sa militar at mga tradisyunal na pulitiko na kuning muli ang poder at maghari. Naging bahagi na ng ating larangang pulitikal ang mga paulit ulit at walang tigil na usapan at tsismis ng mga napipintong kudeta na parang nag-aanunsiyo sila ng susunod na larong basketball sa Araneta Coliseum, at kung ano-anu pang mukha ng pang-aagaw ng poder.
KILOS PROTESTA. Ibinagsak ni Marcos ang martial law noong 1972 mahigit dalawang taon matapos makaranas ang bansa ng instabilidad na dala ng First Quarter Storm na nagsimula noong Enero 30, 1970. Nagsimula ang instabilidad mula sa mga malalaking demonstrasyon at kilos protesta na isinagawa ng mga estudyanteng may mga radikal at moderatong kakilingan.
Nagsanib ang ilang puwersa upang kastiguhin si Marcos sa mata ng publiliko. Nagsama-sama rin ang pamilya Lopez ng ABS-CBN at diyaryong Manila Chronicle, ang mga Roces ng Associated Broadcasting Corp. (ABC) at diyaryong Manila Times, at ang iginagalang na patnugot ng Philippines Free Press na si Teodoro Locsin Sr. Nariyan rin ang mga pulitikong tulad nina senador Benigno “Ninoy” Aquino at Jose “Pepe” Diokno.
Ayon sa mga iskolar na nagsagawa ng pag-aaral sa batas militar sa panahon ni Marcos, may tatlong pangyayari na nagpasama sa sitwasyon at nagbigay kaganapan sa pinaplanong martial law. Una ang naganap na marahas na demonstrasyon noong Pebrero, 1971 kung saan binarikadahan ng mga makakaliwang organisasyon ng estudyante tulad ng Kabataang Makabayan (KM) at Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK) ang kabuuan ng Universidad ng Pilipinas sa Quezon City at itinayo ang tinawag na “Diliman Commune.”
Tumagal ang Diliman Commune na isang linggo. Naging marahas ang ginawang pagbuwag sa barikada na labis na ikinasama ni Marcos sa mata ng publiko. Ngunit naipakita ng mga estudyante ang kanilang poder kung magkakaisa. Naipakita rin nila ang kakayahang magpropaganda na naging mitsa ng mga susunod pang mas malaki at mapangahas na kilos protesta laban sa gobyernong Marcos.
PAGBOMBA. Sumunod naman ang pagbomba sa rally ng oposisyong Liberal Party sa Plaza Miranda noong Agosto 21, 1971. Hinagisan ng dalawang granada ng di pa nakikilalang mga tao ang entablado ng political rally ng LP kung saan tumayo ang mga kandidato ng lapian para senadorya sa gaganaping halalan sa Nobyembre. Siyam katao ang namatay at marami pang nasugatan. Pinakamatindi ang inabot na pinsala ng mga kandidato ng LP na tulad ni Jovito Salonga, Genaro Magsaysay, Ramon Mitra Jr., Salipada Pendatun, at John Osmena.
Kagyat na sinuspinde ni Marcos ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus kung saan hindi basta puewedeng idetine ang isang tao ng mahigit sa anim na oras kung wala ihaharap na sumbong ang pulis o militar sa husgado. Pinaghuhuli ni Marcos ang ilang piling kalaban lalo na ang mga lider estudyante. Ngunit nayanig siya ng opinyon publiko dahil si Marcos ang pinagbintangan na nagpakana ng insidente.
Sa isang pananaw, ito ang ginawang pagtantiya ni Marcos sa mga kalaban. Bagaman hindi agad idineklara ang batas militar, kaniyang inalam kung paano kikilos ang mga kalaban kung sakaling gagawin niya ang pagpataw ng batas militar. Labintatalong buwan matapos ang pagbomba sa Plaza Miranda, idineklara nga niya ang martial law. Handang-handa siya dito.
SUSPENSIYON. Dahil sa suspensiyon ng pribilehiyo ng writ of habeas corpus, lalong umigting ang galit ng mga organisadong puwersa at mas lalo pa nilang pinalawak ang kilos protesta. Nabuo rin ang Movement of Concerned Citizens for Civil Liberties, ang alyansang nagtataguyod na laban sa pagkitil sa kalayaang sibil ng mga tao. Naglunsad ito ng mas malalaking kilos protesta at demonstrasyon.
Tuwang tuwa si Marcos sa paglaki ng puwersang kaliwa sapagkat ginamit niya itong sangkalan upang ideklara ang batas militar. Nagsabwatan daw ang puwersang makakaliwa at makakanan. Kumilos daw ang oligarkiya upang pabagsakin ang gobyerno. Kailangan daw iligtas ang bansa sa sabwatan ng dalawang puwersa at ilunsad ang kaniyang tinawag na “demokratikong himagsikan” na ang puno at huli ay ang pananatili niya sa poder kahit walang malinaw na mandando mula sa sambayanan.
Ayon sa mga iskolar, hindi naman napakalaki ng puwersang kaliwa upang ideklara ang batas militar. Katatag lang ng bagong Communist Party of the Philippines na pinamunuan ni Jose Ma. Sison, at ng New People’s Army, ang armadong sangay nito. Wala ring totohanang sabwatan sa pagitan ng mga puwersang makakanan o oligarkiya at makakaliwa.
Nagkataong matindi ang galit ng taongbayan kay Marcos dahil sa sunod-sunod na krises na humarap sa bansa. At nagsama-sama sa isang ago sang lahat ng mga tumututol. Ngunit tuso si Marcos at ginamit niya ang ginawang pagkilos ng kaniyang mga kalaban upang ideklara ang batas militar, anila.
Mukhang sa batas militar rin mauuwi ang gobyernong Marcos, ayon sa mga iskolar. Pinakamatindi ang teorya na dumating na sa kasukdulan ang elitistang pamahalaang demokratiko at hindi nakaya nitong suportahan ang buong sistema na tuluyang bumabagsak dahil na rin sa tunggalian ng mga uri, anila. Sa ayaw o sa gusto ni Marcos at ng sambayanang Pilipino, sasabog at sasabog ang lipunang Pilipino dahil sa tindi na tunggalian ng mga uri na madaling nauwi sa malawakang kahirapan ng sambayanang Pilipino. Unahan na lang sa poder, anila.
Gabi ng Septiyembre 21, 1972 nang lagdaan ni Marcos ang Presidential Proclamation No. 1081 na nagdedeklara na batas militar sa buong bansa. Ngunit hindi ito agad ipinahayag. Ipinahuli muna ang mga kalaban at isinara ang mga kalabang mass media outfits. Sa kinagabihan ng Septiyembre 23, opisyal niyang ipinahayag ang pagpataw ng batas militar.
KAHIRAPAN. Isa ang malawakang kahirapan ng sambayang Pilipino sa mga manipestasyon ng pabagsak na sistema na dala ng pamahalaang sibil na itinatag ng Saligang Batas ng 1935. Hindi agresibo ang anim na administrasyong naghalinhinan upang patatagin ang kabuhayan ng bansa. Mas lalong sumidhi ang kahirapan dahil sa kabiguang ipatupad ang isang makabayang pagsasaindustriya. Bagkus, nanatili sa bansa ang mga katangiang iniwan ng mga Kastila.
Sa gitna ng paglobo ng populasyon at kawalan ng oportunidad pangkabuhayan, patuloy na naiwan ang Pilipinas sa mga lumalagong bansa sa Asya. Naging dahilan ito upang magsalita ang mga tao at pilitin ang administrayong Marcos na kumilos upang patatagin ang kabuhayan at mabawasan ang kahirapan. Naging madali sa mga ibang Pilipino ang sumapi sa armadong pakikibaka. Sa ganang kanila, mas mabilis ang pagbabago kung ito ang daang tataluntunin.
Naging mabilis ang ginawang pagpapatahimik ni Marcos sa mga pagbatikos sa batas militar. Sapagkat mabisa niyang nasupil ang anumang pagtuligsa sa mass media, kagyat niyang ipinalabas na kailangan ang batas militar hindi lamang upang isalba ang gobyerno kundi upang maumpisahan ang isang “demokratikong rebolusyon” na tatapos sa oligarkiyang kaniyang kinamumuhian at magpapantay sa mga uri sa lipunang Pilipino. Nais rin niyang itatag ang kaniyang tinawag na “Bagong Lipunan” na naging tampulan ng maaanghang na biro at katatawanan kahit palihim.
Matamis ang dila ni Marcos. Madali niyang nabola ang maraming bilang ng Pilipinong umasa nga sa simulain ng kaniyang “demokratikong himagsikan” at sa kaniyang “Bagong Lipunan.”Ngunit nakalipas ang ilang taon, hindi ang pagkakapantay-pantay ng mga uri ang nangyari. Pinalitan ang oligarkiya ng kaniyang mga sariling kroni at nagsimula ang isinusukang “crony capitalism.”
Tanging ang mga pinapaborang negosyante ang nakapangutang ng mga nakakalulang halaga sa mga bangkong pag-aari ng estado. Hindi nabayaran kahit kailan ang malaking bahagi ng kanilang inutang. Kasama sa kaniyang mga kroni sina Roberto Benedicto, Eduardo “Danding Cojuangco Jr., Jose Yao Campos, Herminio Disini, Rodolfo Cuenca, Ricardo Silverio, at iba pa na nawala na sa eksena mula ng mapatalsik si Marcos sa poder.
OPORTUNISTA. Ginamit niya ang mga piling kroni sapagkat umasa si Marcos na sila ang magdadala ng isang makabago at makabuluhang industrialisasyon. Ngunit sa huli, si Marcos ang ginamit ng mga kroni na pawing nangawala ng makuha nila ang minimithing salapi. Hindi sila naging mabisang sandigan ng isang makabuluhang industrialisasyon. Sa salita ni Jaime Ongpin, isang kritiko na naging kalihim sa pananalapi ng administrasyong Aquino, lumalabas ng isang dakot na mga oportunista ang mga kroni ni Marcos.
Naging malaganap rin ang ginawang pagyurak ng batas militar ni Marcos sa karapatang pantao. Libu-libong aktibista, estudyante, magsasaka, obrero at propesyonal ang mga inaresto, ikinulong, dinukot at nangawala, o tuluyang pinaslang ng mga nakatagong militar, pulis, at iba pang grupo ng diktadurya. Hanggang sa ngayon, humigit-kumulang sa sampung libong katao, kasama na ang mga aktibista, ang sinasabing nangawala, o "desaparecidos" sa salitang Kastila.
Isa ang karapatang pantao sa mga usaping nagbunsod upang itayo ang Reform the Armed Forces Movement (RAM) na nagtaguyod ng EDSA Revolution noong 1986. Mismong ang ilang opisyal ng Sandatahang Lakas ang hindi masikmura sa naging kalakaran ng batas militar ni Marcos. Sila mismo ang nagpatotoo sa mga ginawang pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao ng mga kritiko ni Marcos.
At kung naririyan ang crony capitalism at paglabag sa karapatang pantao, hindi naman palalayo ang malawakang katiwalian na tuluyang gumutay sa kabuhayan ng bansa. Sa pamamagitan ng batas militar, ginawang sentralisado ni Marcos ang katiwalian. Naging panuntunan ni Marcos ang kumuha ng daan-daang milyong dolyares bilang komisyon sa mga dambuhalang proyektong pambayan na kaniyang inaaprubahan at nilalagdaan. Wala siyang pinapatawad kahit iniwan niya ang mga barya-baryang katiwalian tulad ng komisyon sa huweteng sa mga ilang piling opisyal ng militar at pulis at lokal opisyal.
NAITAGO. Ngunit sadyang magaling si Marcos. Mahusay niyang naitago ang lahat. Ginamit niya ang mga batikang propesyonal sa larangan ng pananalapi na tulad ni Rolando Gapud at Generoso Tanseco sa pagtatago ng mga ninakaw na yaman. Ginamit rin niya ang ilang di masyadong kilalang tao na tulad nina Baltazar Aquino, Andres Genito, at Oscar Rodriguez na nagsisilbing kaniyang mga bagmen. Kundi dumating ang EDSA Revolution noong 1986, hindi sana sila mabibisto.
Parang asong bahag ang buntot na tumalilis ang pamilya Marcos upang maiwasan ang matinding galit ng sambayanang Pilipino noong rebolusyon sa EDSA. Ngunit nakalimutan ang maraming dokumento sa Malacanang na naging paraan upang mahawi ang paper trail ng malawakang katiwalian ng kinasasangkutan ng dating diktador at ng kaniyang pamilya at kaibigan.
Sa tantiya ni Salonga na naging puno ng Presidential Commission on Good Government na naghahabol sa mga itinago ngunit illegal na yaman ng mga Marcos, maaaring umabot sa humigit- kumulang na walong bilyong dolyares ang nakulimbat ng pamilya Marcos mula sa kaban ng bayan. Itinago ang mga ito sa kung saan-saan at kasama rito ang Switzerland, Cayman Islands, at maging sa ilang maliliit na bansa sa Caribbean.
Sa madaling salita, nauuwi ang kabuuan ng awtoritaryanismo ni Marcos sa tatlong bagay lamang: ang malawakan at sentralisadong katiwalian at korapsiyon sa kaniyang pamahalaan, ang malaganap na paglabag at pagyurak sa karapatang pantao, at ang walang patumanggang crony capitalism na pumabor sa ilang piling negosyante at kaibigan.
Kahit nagkagulo-gulo ang eksperimento ni Marcos sa awtoritaryanismo, isang malaking palaisipan kung bakit tila ito pa rin ang kinagigiliwang direksyon ng ilang sektor ng lipunan. Sa hindi maiintindihang kadahilanan, tila hindi natuto ang ilang sektor na naging isang malaking kabiguan ang ginawang balangkas at pagpapatupad sa batas militar ni Marcos.
Tila ninanais ng ilang sektor na hawiing muli at taluntunin ang awtoritaryanismo na parang bang ito na lamang ang tanging daan upang maisaayos ang napakagulo at walang direksiyong demokrasya na naibalik ng himagsikan sa EDSA. Sa hindi maaiwasang konklusyon, mukhang ang mga tema nga ng awtoritaryanismo at demokrasya ang nag-uumpugang bato sa kasasayan ng Pilipinas.